01/01/2026
Ama naming Diyos, maraming salamat po sa Iyong katapatan sa buong taon. Salamat sa mga tagumpay, pagpapala, aral, at maging sa mga pagsubok na nagpatibay ng aming pananampalataya. Inaamin namin na kung wala Ka, wala po kaming magagawa — ngunit kasama Ka, lahat ay posible. Sa iglesya bilang CGCC, ibinabalik namin sa Iyo ang lahat ng papuri at kaluwalhatian.
Panginoon, hinihiling namin ang panibagong pagbuhos ng Iyong Banal na Espiritu sa CGCC ngayong bagong taon. Punuin Mo ang bawat pastor, leader, worker, miyembro, at pamilya ng Iyong presensya, karunungan, at tapang. Nawa’y makita ang kapangyarihan Mo sa aming pagsamba, ministeryo, at araw-araw na buhay.
Ama, pag-isahin Mo po kami sa iisang puso, iisang Espiritu, at iisang layunin. Alisin Mo ang anumang pagkakabaha-bahagi, sama ng loob, o pride sa aming kalagitnaan. Turuan Mo kaming magmahal, magpatawad, at maglingkuran sa isa’t isa. Nawa’y makita sa CGCC ang puso ni Cristo.
Panginoon, iniaalay namin sa Iyo ang bagong taon na ito. Itatag Mo ang bawat plano na ayon sa Iyong kalooban. Pagpalain Mo ang aming mga gawain, outreach, at missions. Buksan Mo ang mga pintuan ng pabor, resources, at oportunidad. Ibigay Mo ang pangangailangan ng iglesia at bawat pamilya. Nawa’y maging taon ito ng tagumpay, kasaganaan, at mga bunga.
Ama, hilahin Mo kami palapit sa Iyo ngayong taon. Bigyan Mo kami ng pusong uhaw sa Iyong salita at presensya. Tulungan Mo kaming mamuhay sa kabanalan, katapatan, at pagsunod sa Iyo. Araw-araw Mo kaming baguhin upang maging katulad ni Jesus.
Panginoon, palakasin Mo ang bawat pastor, leader, at worker sa CGCC. Basbasan Mo ang kanilang lakas, sigla, at panawagan. Ilayo Mo sila sa panghihina at anumang gawa ng kaaway. Pagpalain Mo rin ang kanilang mga pamilya. Sa pangalan ni Jesus, Amen.