20/11/2024
MAHALAGANG PAALALA NGAYONG KRISTONG HARI: Mga Kapiling, ngayong darating na araw na Linggo ay magaganap ang isang Dakilang Kapistahan sa Santa Iglesia. Ito ay ang tinatawag nating Linggo ng Kristong Hari.
Magkakaroon po ng pagpruprusisyon o pagpaparada ng Kabanal-banalang Sakramento o 'yung Malaking Konsagradong Hostiya. Mangyayari ito sa loob ng Simbahan, kung saan hahawakan ng pari ang Monstrance (tawag sa bagay na kinalagayan ng Malaking Hostiya) at siya'y sasamahan ng mga sakristan at mga ministrong layko habang sila'y magmamartsa. Minsan, ang mga miyembro ng Knights of Columbus ay kasama sa parada.
I-ikot sila sa loob ng Simbahan. Ang dapat nating gawin sa tagpong ito, ay ang tayo'y LUMUHOD at humarap sa prusisyon. I-ikot ang prusisyon habang kinakanta ang CHRISTUS VINCIT, CHRISTUS REGNAT, CHRISTUS CHRISTUS IMPERAT (Sumasakop si Kristo, Naghahari si Kristo, Namamahalang malawak si Kristo)
Kung pagpapasyahan ng parokya, ipagpapatuloy ang parada o prusisyon sa labas, sa buong pamayanan. Kapag dumadaan ang Kabanal-banalang Sakramento, marapat po tayong lumuhod.
Bakit tayo kailangang lumuhod?
Ang pagluhod ay gawaing Katoliko na iginagawad natin sa Diyos at sa mga namumuno. Ito ay tanda ng malalim na paggalang, isang paggalang na kalakip ang katawan na ating sinusubsob sa lupa bilang pagpapakumbaba.
Sa Kabanal-banalang Sakramento, dapat tayong lumuhod dahil ang Hostiya, kapag ito'y kinonsagrar na ng pari, ito ay nagiging Tunay na Katawan ni Kristo, kung saan naroon ang buong espiritu at pagka-Diyos ng ating Panginoong Hesukristo. Iyon ay ang Kanyang AKTWAL at PERSONAL na presensya kapiling tayo, kasama natin.
Kaya, habang dumaraan sa harapan mo ang Kabanal-banalang Sakramentong hawak ng pari, at habang ikaw ay nakaluhod, ibulong at idalangin mo sa Diyos at lahat ng iyong mga hinaing, panalangin at suliranin. Sapagka't si Kristo ay Hari, at sa Kanya matatapos ang lahat, sa Kanya luluhod at magpapasakop ang lahat sa huli.