19/06/2025
Maritime Group, Nakumpiska ang Libu-libong Sako ng Smuggled na Asukal sa Checkpoint Operations
Zamboanga City — Sa magkahiwalay na operasyon noong Hunyo 16, 2025, matagumpay na naisagawa ng mga tauhan ng Zamboanga City Maritime Police Station (MARPSTA), Regional Maritime Unit 9, Basilan SBC, 1st SOU, Western Mindanao Naval Command, at 2nd Zamboanga City Mobile Force Company ang pagsita at pag-aresto ng mga indibidwal na lumabag sa R.A. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.
Sa unang checkpoint na isinagawa bandang 10:00 ng umaga sa Gov. Alvarez Avenue, Sto. Niño, isang wing van truck ang na-intercept at isang suspek ay naaresto. Natagpuan sa nasabing sasakyan ang 500 na sako ng umano’y smuggled na puting asukal na may tinatayang halagang PhP1,750,000.00. Kasama rin dito ang isang Fuso wing van truck na may tinatayang halagang PhP1,000,000.00.
Isang oras ang nakalipas, bandang 11:00 ng umaga sa RT Lim Boulevard, isa pang wing van truck ang naharang kung saan naaresto ang dalawang suspek. Nasamsam mula sa kanila ang humigit-kumulang 600 na sako ng umano’y smuggled na puting asukal na may halaga na PhP2,000,000.00, at isang Fuso wing van truck na may tinatayang halagang PhP1,000,000.00.
Lahat ng mga naarestong indibidwal at mga nakuhang ebidensya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Zamboanga City MARPSTA para sa dokumentasyon at angkop na proseso.
Patuloy ang pagpapatupad ng mga awtoridad ng batas upag maiwasan ang pagpasok ng mga iligal na kalakal sa rehiyon.