13/10/2022
Sa mga panahong may bagyo at pagtaas ng tubig sa Cagayan river, kaba, sama ng loob at panghihinayang sa mga lupang kinakain ng ilog ang nararamdaman ng ating mga kabarangay na nakatira sa tabi ng ilog. At ang masaklap ay ang pagkawasak ng mga kabahayan ng ating kabaranggay na lalong nagpapalugmok sa lugmok ng buhay ng mga ito.
Ngayon, nakikita na natin ang kagalakan sa kanilang mga mukha at ngiti sa mga labi na nagpapahiwatig ng kapayapaan sa kanilang puso at isipan dahil sa wakas, may nakikita na silang "kabal" na magbibigay proteksiyon sa kanila tuwing may bagyo at ang dulot nitong pagbaha. Ang "river control" ang siyang "kabal" ng ating kabarangay.
Bagama't mahabahaba pa ang kakailanganing river control at bilyong piso pa ang gugugulin ng gobyerno upang makapagpatayo ng mga river control, ang pag-umpisa ng proyektong ito ang siyang nagbibigay pag-asa sa ating kabarangay na sa bawa't dapit-hapon ay may bukang-liwayway na darating...
Salamat sa mga kabarangay na naisakripisyo ang kanilang ari-arian: lupa at bahay na kanilang minamahal at minana pa sa kanilang kanunu-nunuan dahil sila ang nagsisilbing "SACRIFICIAL LAMB" para sa kanilang kabarangay upang maipatayo ang istrakturang ito.
Salamat sa pamunuan ng ating bayan sa pagbibigay-daan sa pagpapatayo ng river control. Subalit, may mga bagay-bagay pa na dapat gawin, at sana, sa pinakamadaling panahon. Ang paglalaan ng matitirhan para sa ating mga nawalan ng tahanan. Sila ang nangangailangan ng higit na pagkalinga ng ating pamahalaan.
Salamat sa ating pamahalaan at ang mga kagawaran at lahat na nagpapakahirap para maisakatuparan ang proyektong ito para sa kapakanan ng ating mahal na mamamayan.