
28/02/2025
Kung Ayaw Mong Maiwan, Matuto Kang Sumabay
Darating ang panahon na kapag ang trabaho mo ay hindi nangangailangan ng special skills or human touch ay mapapalitan na to ng robot or AI.
Sa loob lang ng dalawang dekada, napakaraming negosyo, industriya, at trabaho ang nagbago. Yung iba, nawala na lang nang hindi namamalayan. Hindi dahil wala silang halaga kundi dahil hindi sila nakasabay sa pagbabago.
Dati, halos bawat kanto sa Pilipinas may Video City o iba pang video rental shop. Kung gusto mong manood ng pelikula, kailangan mong magrenta ng VCD o DVD. Pero nung dumating ang Netflix, YouTube at iba pang online streaming sino pa ang gugustuhing lumabas para lang magrenta? Mas madali na ngayong pumili ng pelikula sa isang pindot lang. Ang dating malakas na negosyo, naging bahagi na lang ng alaala.
Ang Kodak, na siya mismong nag-imbento ng digital camera, natakot na mawala ang film photography. Pinili nilang ipagpilitan ang luma habang ang ibang brands gaya ng Canon, Sony at Nikon nagpatuloy sa innovation. Ano ang nangyari? Naiwan sila. Ngayon, pag sinabi mong camera, Kodak pa ba ang naiisip mo?
Ang Hindi Marunong Mag Adjust, Talo
Ganito rin sa pag-hanap buhay. Hindi na sapat ang diploma. Dati, pag may degree ka, sigurado kang may trabaho. Pero ngayon, kahit college graduate ka, kung wala kang skills na relevant sa panahon, mahihirapan ka pa ring makahanap ng magandang opportunity
Sabi ng World Economic Forum, 85 million jobs ang mawawala bago mag 2025 dahil sa automation at AI. Pero ito ang good news 97 million bagong trabaho rin ang lilitaw. Ibig sabihin, hindi naman talaga nauubos ang opportunity, nag iiba lang ang itsura nito. Ang tanong, handa ka bang matuto ng bago o pipiliin mong maiwan?
Hindi lang negosyo o trabaho ang naapektuhan nito. Pati tayo. Sa buhay mismo, yung mga taong nag-succeed hindi takot sa pagbabago. Hindi sila naghihintay, sila mismo ang nag aadjust. Hindi nila nilalabanan ang technology, inaaral nila. Hindi sila natatakot sa bagong hamon, they continue to learn and adapt sa changes.
Ang mundo, hindi titigil para sayo. Hindi maghihintay ang panahon hanggang maging handa ka. Ang tanong, pipiliin mo bang manatili sa nakasanayan o handa kang sumabay para hindi maiwan?