16/04/2026
Opisyal na Pahayag ng The Rhetoricians Laban sa Demolisyon sa Purok 6B, Brgy. Bambang, Los Baños, Laguna
Ikinokondena ng The Rhetoricians ang nagpapatuloy na demolisyon sa Purok 6B, Brgy. Bambang—isang malinaw na paglabag sa karapatang pantao, due process, at sa dignidad ng mga mamamayang pinipilit paalisin sa kanilang tahanan.
Sa gitna ng umiiral na usapin sa lupa, iginiit ng mga residente ang kanilang karapatan sa lupang kanilang tinitirhan, kabilang ang pag-iral ng Proclamation No. 550 na naglalayong gawing panlipunang pabahay ang lugar. Sa kabila nito, isinagawa ang demolisyon sa paraang minadali, kulang sa sapat na konsultasyon, at hindi nagbibigay ng makatarungang panahon para sa mga pamilyang naapektuhan.
Higit na nakababahala ang paraan ng pagpapatupad nito. Sa mga ulat, mahigit 30 kabahayan na ang giniba at hindi bababa sa 50 pamilya ang napilitang lumikas. May mga residente ring nasugatan, pinipiit sa pagitan ng riot shield, sinaktan, at sapilitang pinaalis. Hindi lamang mga bahay ang mga winasak, kundi pati mga gamit na maaaring makatulong sa kanilang pagbangon at paglilipat. May mga pagkakataon ding lumampas sas itinakdang saklaw ng Writ of Demolition ang ginibang mga estruktura.
Ito ay hindi simpleng usapin ng pagmamay-ari ng lupa. Ito ay usapin ng buhay, seguridad, at karapatan. Sa ilalim ng RA 7279 o Urban Development and Housing Act, malinaw na dapat isinagawa ang demolisyon nang makatao, may sapat na abiso, may konsultasyon, at may malinaw na plano para sa relokasyon. Ang mga naganap as Purok 6B, Brgy. Bambang ay nagpapakita ng kabiguang sundin ang mga prinsipyong ito.
Sa halip na protektahan ang mamamayan, tila pinaboran ang interes ng pribadong korporasyon. Sa kabila ng panawagan para sa dayalogo at makataong palugit, nagpatuloy ang demolisyon—isang indikasyon ng sistematikong pagbalewala sa tinin ng komunidad. Hindi dapat itinutulak ang kaunlaran sa kapinsalaan ng tao.
Kami ay nakikiisa sa mga residente ng Purok 6B, Brgy. Bambang at mariing nananawagan para sa agarang pagpapatigil ng demolisyon, isang independiyenteng imbestigasyon sa legalidad at paraan ng pagpapatupad nito, at pananagutan para sa karahasang isinagawa labas sa mga sibilyan. Hinihiling din namin ang pagbubukas ng tunay at inklusibong dayalogo sa pagitan ng mga residente, lokal na pamahalaan, at iba pang kinauukulan upang makamit ang isang makataong resolusyon, kasama ang pagbibigay ng makatarungan at sapat na suporta para sa lahat ng pamilyang apektado.
Ang pabahay ay karapatan. Ang lupa ay buhay. Ang nagaganap sa Purok 6B ay hindi simpleng demolisyon. Ito ay paglabag sa dignidad at karapatan ng mamamayan. Hindi sapat ang pagkondena. Makisama sa panawagan para sa agarang pagpapatigil ng demolisyon, pananagutan ng mga responsable, at makatarungang pabahay para sa lahat.