19/02/2024
Inatasan nitong Pebrero 13 ni Speaker Martin Romualdez ang House Committee on Health na pag-aralan ang Charter ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang makapagbigay ng mas maraming benepisyo sa mamamayan, at kung pupuwedeng ilibre na ang diagnostics exam para sa maagang pagde-detect ng cancer.
Isa ang cancer sa mga tinututukang adbokasiya ng leader ng mahigit 300 kongresista.
Hulyo ng nakaraang taon nang ianunsiyo ni Romualdez na itatayo sa Quezon City ang matagal na niyang isinusulong na Philippine Cancer Center, isang specialized hospital na “magsisilbing pagamutan ng mga may cancer, research facility at training ground na rin para sa ating mga cancer specialists na tututok sa mga lugar outside Metro Manila.”
Ang center ay alinsunod sa Regional Specialty Center Act (Republic Act 11959), na principal author si Romualdez at layuning magtayo ng specialized hospital sa kada rehiyon sa bansa upang hindi na kailangan pang lumuwas sa Metro Manila para magpagamot ang mga may seryosong karamdaman, kabilang ang cancer patients.
“What we are doing is all about inclusive governance. Sa Bagong Pilipinas, needs will prevail and every centavo spent will redound to the benefit of our people. Cancer patients will be a priority,” sabi ni Romualdez.
Ang Pebrero ay National Cancer Awareness Month.