30/08/2023
Credits to the rightful owner…
MAGKANO (KA), DOK?
Minsan may nag-message sa aking kamag-anak ng pasyente; nagtanong sa kung ano ang puwedeng gawin sa kanyang maysakit na magulang at tumugon naman ako. Nagpasalamat siya at nag-type na 'Magkano ka doc?' na dali-dali rin niyang binago at humingi ng paumanhin.
'Magkano ba, Doc?' Natawa ako nang kaunti at napaisip, may halaga nga ba ang pagiging isang manggamot?
Magkano kaya ang higit dalawang dekada kong pag-aaral?
Tumigil na akong magbilang kung ilang taon na nga ba akong nag-aaral. Basta alam ko apat na taong gulang ako nagsimula at bente-nuwebe na ako ngayon. Bagamat linsensyado na, nasa ikalawang taon pa lamang ako ng pagre-residente, may Fellowship pa at may sub-sub specialty pa. Kung ano'ng hinaba ng mga nakadugtong sa pangalan namin ay siya ring kakulangan namin sa karanasan sa buhay. Biruan namin minsan na siguro nga't kaakibat na ng pagdo-doktor ang mapag-iwanan ng panahon.
Magkano kaya ang oras para sa pamilya at kaibigan na nawala?
Hindi na rin mabilang ang mga pagkakataong wala kami sa mga reunion o anumang pagkikita-kita. Nasanay na nga ang mga kamag-anak na wala kami eh. Imbes na "Uy, kumusta?' ang bati sa amin ay " Oh, ba' t nandito ka ngayon? ". Nagugulat na lang kami na minsan 'yung huli mong kita sa pamangkin mo ay binyag pa pero iniimbitahan ka na ngayon sa 7th birthday party. Nagugulat na lang kami na naiimbitahan kami sa mga kasal ng kaibigan na hindi man lang namin nakilala kung sino ang pakakasalan niya.
Sa ibang tao, ang oras sa pamilya at kaibigan ay obligasyon. Sa amin, isa itong regalo, isang pribilehiyong lubos naming pinahahalagahan.
Magkano kaya ang tulog at pahinga namin?
Ilang beses ko nang naririnig ang mga salitang, "Ang mahal makasingil nun! Biruin mo wala pang isang minuto nang pakinggan niya yung dibdib ko tapos okay naman daw? Tapos siningil ako ng P500? Kaya ko rin' yun!" Ang hindi nila alam ay kung ano ang pagsasanay at karanasan na kinailangan namin para masabing 'ok lang.' Ilang taon ang ginugol namin para masabing 'walang problema'. Hindi ang isang minutong paggamit ng stethoscope ang binabayaran kung hindi ang ekspiryensya ng doktor. Maliban dito, dinadala namin sa aming tahanan ang mga desisyon naming ito. Imbes na magpahinga, nagigising kami sa mga alanganing oras para isiping, "Tama ba ang ginawa ko? Ok nga lang ba talaga siya? Paano kung may nakalimutan lang ako? Dapat ba nagbigay ako ng gamot?" Sana maunawaan nating ang responsibilidad namin ay di hamak na mas malawak sa ilang minutong pagtingin namin sa pasyente.
Magkano kaya ang aming kaligtasan at buhay?
Ginusto ko dati maging mamamahayag. Ngunit natakot akong mag-alala ang aking mga magulang sa tuwing ako ay sasabak sa mga mapanganib na lugar kung saan nandoon ang balita. Pinili kong maging manggagamot dahil naisip kong mas magiging ligtas ako rito at mas mapapanatag ang aking pamilya.
Mapaglaro nga siguro ang tadhana, ngayon ay naninilbihan ako sa frontline ng isang pandemya. Ilang buwan na ang lumipas ngunit araw-araw may kaba at pangamba pa rin akong nadarama-- "Paano kung makuha ko ang virus? Paano kung madala ko ito sa aking tahanan? Paano kung maging malala ang tama ng virus sa akin at ikamatay ko? Wala pa akong napapatunayan. Ganito na lang ba matatapos ang lahat ng pinaghirapan?" Sa totoo lang, maraming bumabagabag sa aming isipan, hindi na rin namin alam kung mayroon ba talaga itong hangganan. Hindi anumang awit o pagpupugay ang aming kailangan. Kahit respeto na lang sa aming larangan.
Nakalulungkot na sa kabila ng lahat ng sakripisyo ay mayroon pa ring mga naniniwalang pera-pera lang ang aming propesyon. Siguro ay pagod lang tayong lahat. Sana nga ay pagod lang ang lahat at isang araw mapapawi rin, magbabago rin ang pananaw nyo sa amin. Dalangin ko rin na mabigyan nyo pa kami ng mas malalim na pang-unawa higit sa panahon ngayon ng pandemya kung kailan nababalot kami ng maraming takot, pagdududa, at kahinaan. Sa bawat pagbato niyo sa amin ng mga nakasasakit sa salita, sana ay maaalala nyong hindi kami mga superhero tulad ng mga inihahalintulad nyo sa amin. Tao kami. Tao lamang kaming maraming pagkukulang na pilit naman naming pinupunan, huwag nyo lang kaming talikuran.
"Magkano nga uli, Dok?"
"Wala na 'yun, Ma' am. Pagaling na lang si Nanay. Bayad mo na 'yung pag-aalaga mo sa kanya."
"Magkano nga ba?"
Hindi matatawarang halaga.