12/02/2023
Ang aral ay para sa lahat at ang Karunungan ay para sa iilan.
Maraming naghahanap sa Espiritual ng aral na may kinalaman sa Milagro at gusto matuto sa pangagamot, pagkalalake at iba pa na may kaugnayan dito, ang ilan pa nga ay gumastos ng halos libo libo para lang makapag aral at matuto, pero sa katunayan hindi natin maikakaila na tayo ay nauuto lamang sa sistema ng mga taong inaakala natin na makakatulong sa atin na makapagmilagro tayo, ngunit ang totoo, gumastos ka lang ng pera at hindi naman talaga napapagana at wala naman ni isa talagang umaandar sa mga ito. Tandaan na ang Milagro ay hindi nabibili ng pera, sinasabi ng kasulatan:
"Gawa 1:8 Datapuwa't tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo:
"Mateo 10:8 Mangagpagaling kayo ng mga may sakit, mangagpabangon kayo ng mga patay, mangaglinis kayo ng mga ketong, mangagpalabas kayo ng mga demonio: tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad.
Kung natanggap mo ng libre ang kapangyarihan mula sa Diyos maaari mo itong ibahagi ng walang bayad sa kapwa mo, kaya meron mga albularyo na hindi nagpapabayad at ang ilan pa nga na albularyo sila ang nagbibigay sa pasyente ng tulong na pera at pinapakain pa nila at itinuturing na kapatid. Maging practical tayo sa paghahanap ng Karunungan, sinasabi ng kasulatan:
Job 28:28 At sa tao ay sinabi niya, Narito, ang pagkatakot sa Dios ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.
Ecclesiastes 12:13 Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao.
Iyan ang tunay na kahulugan ng Karunungan na hinahanap ng marami sa Espiritual. Kung nais niyo maghanap ng aral sa Espiritual at lumapit sa tao at nagturo sa inyo tungkol sa salita ng Diyos dapat makita niyo sa tagapagturo niyo kung nasusunod ba niya ang mga aral na nasa Bibliya lagi niyo tingnan na dapat nakikita niyo sa taong iyon ang kanyang ugaling may pag-ibig at hindi maibigin sa salapi. Sa katunayan halos lahat ng nakikita ko na naghahanap sa Espiritual ay kapangyarihan lamang ang hangad at nais makapagmilagro sa pagkalalake at panggagamot. Marami naghahangad na magkaroon tulad ng TM, TMN, OYA, AYJ, AHAHMY, ICUJIR, DMI at iba pang klase ng Testamento. Sinasabi ng Kasulatan
1Corinto 13:2 At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula, at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa't mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa't wala akong pagibig, ay wala akong kabuluhan.
Magkaroon ka man ng maraming hawak na testamento, anting anting, mutya, kung wala kang pag ibig wala kang kabuluhan. Marami nagsasabi na nasa kanila ang tamang aral, ang ilan pa nga ay sinasabing nasa kanila ang pinakasagad na aral, pero sa katunayan ang pag-aaral ay walang level, walang grado, walang mas mataas dahil ang lakas ng Isang gamit ay bumabase sa abot ng unawa ng isang tao. May mga taong sadya ng may kakayahan makagamot na hindi na kailangan dumaan pa sa ibang tao, iyan ang tinutukoy na ang karunungan ay para sa iilan, ang aral ay para sa lahat dahil hindi naman lahat ng tao ay gifted sa kakayahan. Kung may magturo sayo ng aral mag ingat ka at tingnan mo kung sa Diyos ba ito dahil sinasabi ng kasulatan:
1Juan 4:1 Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa't espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Dios: sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan.
Mateo 7:15 Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila.
Sino itong mga bulaan propeta na tinutukoy? Ito yun mga taong nagsasabi na sila ay propeta o sugo ng Diyos at ang ilan pa nga ay nagsasabi na sila ang Cristo, ang iba pa nga ay nagsasabi na sila si Moises, at ang iba ay nagsasabi na sila ang huling apostol. Mag ingat kayo sa mga ito. Sinasabi ng kasulatan
Mateo 7:20 Kaya't makikilala ninyo ang mga hindi tunay na propeta ayon sa kanilang mga gawa.”
Kung ganyan ang naging tagapagturo niyo, mapanirang puri sa kapwa, maibigin sa salapi, at mapagmataas at nagsasabi na sila ang cristo mag isip isip na kayo, tandaan kahit demonyo nagmimilagro din. Sinasabi ng kasulatan:
Mateo 7:22 Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?
Mateo7:23 At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.
Kaya maging maingat sa pag-aaral sa Espiritual. Maiksi lang ang buhay at wag sasayangin sa maling paniniwala.
"Mateo 15:14 Pabayaan ninyo sila: sila'y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay."