14/05/2024
Mga Uri
Ang pagkakaroon ng katarata ay pangunahing dulot ng edad. Subalit, may iba pang mga uri nito batay sa sanhi, kagaya ng mga sumusunod:
Kataratang sanhi ng iba pang kondisyon. Maaaring mamuo ang mga katarata pagkatapos ng operasyon sa iba pang uri ng mga kondisyon sa mata, kagaya ng glaucoma. Maaari rin itong bunga ng iba pang kondisyon na kagaya ng diabetes at ng paggamit ng steroids.
Kataratang bunga ng pagkapinsala o injury. Maaaring mamuo ang mga katarata kapag napinsala ang mga mata. Subalit, maaari ring magkaroon nito makaraan ang ilan pang mga taon.
Congenital na katarata. Mayroong mga sanggol na mayroon nang mga katarata mula nang maipanganak. Subalit, maliliit pa ang mga kataratang ito at maaaring wala pang epekto sa paningin ng sanggol.
Kataratang bunga ng radiation. Ang pagkakalantad sa radiation ay maaari ring magdulot ng mga katarata.
Mga Sanhi
Ang mga katarata ay karaniwang namumuo kapag nagkaka-edad na ang tao, o kaya kapag nagkaroon ng pinsala sa tissue ng mga lente ng mata. Maaari rin itong maging bunga ng mga kondisyong namamana, maging ng operasyon at ng diabetes. Pero paano nga ba namumuo ang mga katarata?
Ang mga katarata ay namumuo sa mga lente ng mata. Ang mga ito ay nasa ilalim ng iris o ng itim (o kung ano man ang kulay nito batay sa lahi) na bahagi ng mata. Ang mga lente ang nagfo-focus ng liwanag na pumapasok sa mga mata upang maging malinaw ang paningin.
Habang tumatanda ang tao, tila nagiging mas marupok ang mga lenteng ito. Kumakapal din ito at nababawasan ang pagiging transparent nila. Dahil dito, ang mga tissue sa mga lente ng mata ay nadudurog at nagkukumpol. Ang mga ito ang nagdudulot ng pagkakaroon ng maputing tagpi sa mga lente na nagpapalabo ng paningin.
Sa paglipas ng panahon, ang katarata ay lalong kakapal at kakalat sa mas malaking bahagi pa ng mga lente. Dahil dito, lalo nitong mahaharangan ang liwanag na pumapasok sa mga mata na siyang sanhi ng lalong paglabo ng paningin.
Ang iba pang mga sanhi ng katarata ay ang mga sumusunod:
Ang sobrang pagkakalantad sa ultraviolet (UV) rays
Malabis na paggamit ng mga corticosteroid na gamot
Ang pagpapagamot sa itaas na bahagi ng katawan gamit ang radiation
Sintomas
Ang mga katarata ay namumuo sa loob ng ilang taon. Na-obserbahan din na ito ay karaniwang umaapekto sa mga matatanda. Ang kondisyong ito ay maaari ring umapekto sa dalawang mata.
Kabilang sa mga sintomas ng kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
Nanlalabo na paningin
Pagkakaroon ng mga maliliit na tila tuldok sa paningin
Pagkakaroon ng mga tagpi na humaharang at nagpapalabo sa paningin
Labis na panlalabo ng paningin lalo kapag kakaunti ang liwanag sa paligid
Hirap na makakita kapag sobra ang liwanag sa paligid
Paghina ng kakayahan ng mata na tumukoy ng kulay
Labis na hirap sa pagbabasa
Madalas na pagpapalit ng salamin sa mata
Kawalan ng bisa ng salamin sa mata
Pagkakaroon ng bilog na liwanag sa paligid ng maliliwanag na mga bagay, kagaya ng mga ilaw ng sasakyan
Napatataas ng mga sumusunod na salik ang pagkakaroon ng mga katarata:
Pagiging matanda
Pagkakaroon ng diabetes
Labis na pagkakalantad sa sikat ng araw
Paninigarilyo
Labis na katabaan
Pagkakaroon ng altapresyon o hypertension
Pagkakaroon dati nang kondisyon o pamamaga sa mata
Pagsailalim dati sa operasyon sa mata
Matagalang paggamit ng mga corticosteroid na gamot
Pag-inom ng labis na dami ng nakalalasing na inumin
Anu-ano naman ang mga komplikasyon na maaaring idulot ng katarata?
Mga Komplikasyon ng Katarata
Ang mga sumusunod na mga komplikasyon ay maaaring idulot ng katarata:
Posterior capsule opacity (PCO)
Intraocular lens dislocation
Eye inflammation
Light sensitivity
Photopsia
Macular edema o ang pamamaga ng gitnang bahagi ng retina
Ptosis o ang pagbagsak ng mga talukap ng mga mata
Ocular hypertension
Pag-Iwas
Regular na magpasuri sa mga mata. Malaki ang maitutulong ng regular na pagpapatingin sa mga mata upang maagang matukoy ang pamumuo ng mga katarata. Dapat tiyakin kung gaano kadalas ang pagpapasuri sa mga mata.
Pagtigil sa paninigarilyo. Maaaring magdulot ng pinsala sa mga lente ng mga mata ang paninigarilyo. Kaya, dapat na alamin sa mga manggagamot o mga dalubhasa ang pinaka-mainam na paraan upang ganap na matigil o kaya ay mabawasan ang paninigarilyo.
Pagbawas sa pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. May mga pag-aaral na nagmumungkahi na ang labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin ay maaaring makapinsala sa mga lente ng mga mata.
Agad na paglunas at tamang management sa mga problema sa kalusugan. Hindi dapat na pinababayaan ang mga medikal na kondisyon ng isang tao, lalo na ang mga kondisyong maaaring magdulot ng katarata, kagaya ng diabetes at glaucoma. Kailangan ay maingat na sinusunod nang buong ingat ang payo ng manggagamot ukol sa paglunas sa mga ito.
Pagpili ng malulusog na uri ng mga pagkain. Ang mga pagkaing kagaya ng mga prutas at gulay ay mayaman sa mga antioxidant na makatutulong sa pagpapanatili ng magandang kalusugan ng mga mata. Napatunayan din na ang mga mineral at bitamina na matatagpuan sa mga prutas at gulay ay nakatutulong upang makaiwas sa pamumuo ng mga katarata. Bawasan naman ang mga pagkain na mataas ang sugar content, lalo na sa mga may diabetes.
Pagsusuot ng sunglass. Lubhang mapaminsala sa mga mata ang ultraviolet (UV) ray na nagmumula sa araw. Kaya, kapag matindi ang sikat ng araw, ugaliing magdala at gumamit ng sunglass sa tuwing lumalabas ng bahay.