01/09/2025
KARAGDAGANG 2,525 NA KASO NG HFMD, NAITALA NG DOH SA LOOB LANG NG ISANG LINGGO.
KARAGDAGANG 2,525 NA KASO NG HFMD, NAITALA NG DOH SA LOOB LANG NG ISANG LINGGO
Umabot na sa 39,893 ang bilang ng kaso ng HFMD na naitala ng DOH as of August 16, 2025.
Karagdagang 2,525 na kaso ang nadagdag sa loob lang ng isang linggo mula sa 37,368 na naitala noong a-nuebe ng Agosto. Kalahati sa mga naiulat na kaso ay mga batang edad isa hanggang tatlong taong gulang.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa mga local government units upang mapaigting ang pagmomonitor ng mga kaso ng HFMD sa mga rehiyon.
Nakakasa na rin ang pagpupulong ng healthy learning institution ng DOH upang mapag-usapan ang mga hakbang na imumungkahing isagawa para sa HFMD prevention and management sa mga eskwelahan.
Ang HFMD ay isang nakahahawang sakit na pwedeng makuha sa laway na may virus mula sa ubo, bahing, o pagsasalita. Maaari rin itong makuha sa paghawak ng mata, ilong, o bibig gamit ang kamay na nakahawak sa bagay na kontaminado ng virus.
Mabilis na makahawa ang HFMD kaya’t paalala ng DOH, lalo na sa mga magulang, na kung sakaling makaramdam ng sintomas ang anak gaya ng lagnat, singaw sa bibig, pananakit ng lalamunan, at mga butlig sa palad at talampakan ay agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center.
Dagdag pa ng ahensya, para sa mga mild na kaso ng HFMD, panatilihin ang anak sa bahay nang pito hanggang sampung araw o depende sa abiso ng doktor. Paalala rin ng Kagawaran, bukod sa pagdi-disinfect ng mga kagamitan, ugaliin din ang dalawampung segundong paghuhugas ng kamay upang maiwasan ang hawahan.
Balikan ang PinaSigla Episode 5 dito: https://web.facebook.com/share/p/1CmLK4RAiP/