12/08/2022                                                                            
                                    
                                                                            
                                            MAY BUKOL SA BRASO, HITA, BINTI, KAMAY O PAA?
Ang sarcoma ay isang uri ng cancer na nagmumula sa connective tissues ng iba't ibang bahagi ng katawan. Ang ilang halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
SOFT TISSUE SARCOMAS
• Taba (fat): liposarcoma
• Kalamnan (muscle): leiomyosarcoma (smooth muscle), rhabdomyosarcoma (skeletal musccle)
• Ugat (blood vessel): angiosarcoma
• Ugat (nerve): neurofibrosarcoma/malignant peripheral nerve sheath tumor (MPNST)
• Balat (skin): Kaposi's sarcoma
• Daanan ng pagkain (gastrointestinal tract): gastrointestinal stromal tumor (GIST)
BONE SARCOMAS
• Buto (bone): osteosarcoma, Ewing's sarcoma
• Gatil (cartilage): chondrosarcoma
Para sa soft tissue sarcomas, ito ay pinakamadalas na natatagpuan sa binti at braso, pero maaari itong tumubo sa kahit saang bahagi ng katawan tulad ng tiyan, balakang, ulo at leeg. Ang bone sarcomas naman ay pinakamadalas tumutubo sa binti at braso, pero maaari itong magmula sa kahit saang buto ng katawan.
Ang pinakamadalas na sintomas ng sarcoma ay ang pagkakaroon ng pagkirot, pamamaga o bukol sa apektadong bahagi ng katawan. Kapag ito ay nasa binti, maaari itong magdulot ng pag-ika sa paglalakad. May mga kaso rin na ang pasyente ay nagkakaroon ng bali sa buto (fracture).
Pagkatapos makuhanan ng history at physical examination ng doktor, magsasagawa ng imaging studies tulad ng X-ray, CT scan o MRI para mas makilatis ang mga katangian ng bukol. Kakailanganin din ang biopsy para malaman ang eksaktong uri ng sarcoma. Mahalaga ito dahil dito nakadepende kung anong gamutan ang pinakamabuti para sa bawat pasyente depende sa uri ng sarcoma. Maaari kaming magrekomenda ng operasyon (surgery), chemotherapy/targeted therapy at radiotherapy depende sa bawat sitwasyon.
Kapag hindi naagapan, maaaring sakupin ng sarcoma ang mga katabi nitong istruktura habang ito ay lumalaki at maaari rin itong kumalat sa ibang bahagi ng katawan, lalo na sa baga. Kaya mahalagang magpatingin sa doktor kapag ikaw ay may kahina-hinalang bukol.
DON'T IGNORE YOUR LUMPS & BUMPS!