22/07/2025
PAALALA SA ATING MAHAL NA CUYAPEÑOS UKOL SA PAGGAMIT NG AMBULANSYA
Ipinaaabot po namin sa lahat ng ating minamahal na Cuyapeños na ang ating mga ambulansya ay pangunahing nakalaan para sa mga emergency cases lamang.
Sa kasalukuyan, apat (4) lamang po ang available na ambulansya ng ating bayan. Kaya’t kinakailangan pong tiyakin na ang mga ito ay magagamit ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Nais po sana naming mapagbigyan ang lahat ng humihiling ng serbisyong medikal na transportasyon, subalit kaunti lamang po ang maayos at gumaganang ambulansya sa kasalukuyan. Nakalulungkot pong ipabatid na isa sa ating ambulansya ay hindi na maaaring gamitin dahil sa pagkakaaksidente nito noong panahon ng nakaraang administrasyon (tingnan ang mga larawan). Kung ito po ay gumagana pa, sana’y mayroon tayong karagdagang sasakyan para sa mas maraming pasyente.
Gayunpaman, kami po ay gumagawa ng mga hakbang upang mapaglingkuran pa rin ang lahat ng nangangailangan. Ngunit kami po ay humihiling ng inyong pang-unawa at pakikiisa, dahil may mga alituntunin po tayong kailangang sundin upang masiguro ang maayos at makatarungang paggamit ng ating ambulansya.
MGA ALITUNTUNIN SA PAGGAMIT NG AMBULANSYA:
1. Para sa mga emergency cases na manggagaling sa kanilang mga tahanan (loob lamang ng bayan ng Cuyapo), maaaring tumawag sa ating Dispatcher (nakasaad sa ibaba ang numero) upang sunduin ng ambulansya. Dadalhin ang pasyente sa Cuyapo Infirmary para masuri at malapatan ng lunas.
2. Lahat ng pasyente na nangangailangan ng ambulansya ay kailangang dumaan muna sa Cuyapo Infirmary, kung saan dedesisyunan ng doktor kung kailangan silang ilipat sa ibang ospital na nasa piling lugar lamang (Halimbawa: Guimba, Talavera, Cabanatuan City, Paniqui, Tarlac, Rosales, Dagupan City, San Fernando City).
3. Mahigpit na ipinagbabawal ang direktang pagpapadala ng pasyente sa ibang ospital gamit ang ambulansya nang hindi muna nasusuri ng mga doktor ng Infirmary.
4. Para po sa mga pasyenteng may nakaiskedyul na check-up sa ibang ospital, mangyaring magpareserba ng ambulansya isang (1) linggo bago ang inyong schedule. Ipinagbabawal na po ang biglaang pagrerequest para sa ganitong layunin.
5. Para po sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis, isa (1) hanggang dalawang (2) pasyente lamang ang maaaring mapagbigyan bawat araw. Ang ambulansya ay maghahatid lamang sa Dialysis Center (Guimba o Paniqui), at susunduin na lamang kapag natapos na ang gamutan. Hindi na po maghihintay ang ambulansya upang makapaglingkod pa sa iba.
6. Ang paggamit ng ambulansya para sa mga pasyenteng hindi emergency na kailangang ilipat sa mga malalayong lugar (lampas sa mga nabanggit na lugar sa itaas) ay isasaalang-alang batay sa availability ng sasakyan.
Hinihiling po namin ang inyong pang-unawa at kooperasyon sa tamang paggamit ng ating ambulansya upang mapanatili ang mabilis, maayos, at makatarungang serbisyo para sa lahat ng tunay na nangangailangan.
Maraming salamat po sa inyong patuloy na suporta.
Makipag-ugnayan kay Mr. Jonie Josue (Ambulance Dispatcher)
Contact Number: [09776071716]