06/02/2022
Ang bosyo o goiter ay ang paglaki ng ating thyroid gland. Lahat ng tao ay mayroong thyroid gland at karaniwan ito ay maliit lamang. Ang thyroid gland ay isang endocrine gland na gumagawa ng mga hormones na mahalaga sa metabolismo at tamang paglaki ng katawan. Ang normal levels ng thyroid hormones ay mahalaga para sa tamang pagtibok ng puso, paglaki at paggalaw ng muscles, regulasyon ng temperatura ng katawan, at para sa mga babae, ang tamang regulasyon ng menstrual cycle.
Ang thyroid gland ay matatagpuan sa gitna ng ibabang parte ng leeg. Karaniwang hindi ito nakakapa, ngunit kapag mayroong bosyo or goiter ang isang tao, maaari itong makita o makapa bilang isang bukol sa leeg. Maaaring lumaki ang thyroid gland kapag:
1. Mataas ang thyroid hormones level o ang tinatawag na Hyperthyroidism. Ilang sintomas nito ay ang:
(1) mabilis, malakas, o iregular na pagtibok ng puso (palpitations)
(2) madalas na pagkabalisa o iritable
(3) pakiramdam ng sobrang pag-init katawan (heat intolerance)
(4) panginginig ng kamay (tremors)
(5) pamamayat kahit tama ang pagkain
(6) pagdalas or paglakas ng regla
2. Mababa ang thyroid hormones level o ang tinatawag na Hypothyroidism. Ilang sintomas nito ay ang:
(1) madaling pagkapagod o madalas na pagiging matamlay
(2) sensitibo o madaling makadama ng lamig (cold intolerance)
(3) hirap sa pagdumi (constipation)
(4) patuloy na pagdagdag ng timbang kahit na tama ang pagkain
(5) pagkonti o pagiging iregular ng regla
3. May tumutubong bukol sa loob ng thyroid gland. Maaari itong maging benign (hindi kanser) o malignant (kanser). Sa mga benign (hindi kanser) na bukol ang tawag sa kanila ay thyroid nodules; maaaring iisang bukol lang ang tumubo (nodular goiter) o maaaring marami ang bukol sa loob ng thyroid gland (multinodular goiter). Sa mga taong may thyroid cancer, ang pinakakaraniwan ay ang tinatawag na papillary thyroid carcinoma. Ang agresibong klase ng kanser ngunit hindi kasing karaniwan ay ang anaplastic thyroid carcinoma. Ang kanser sa thyroid ay maaaring kumalat sa ibang parte ng katawan kapag hindi ito agad naipatingin sa duktor.