03/03/2026
Tubong Guinobatan si Simeon Ola Y Arboleda na ipinanganak noong September 2, 1865. Ang kanyang mga magulang ay sina Vicente Ola at Apolonia Arboleda. Sa Guinobatan, hindi lamang siya hinahangaan kundi lubos din siyang pinagkakatiwalaan, lalo na bilang isang Teniente de Cuadrillos at malapit na kaibigan ng kanilang kura parokong si Padre Carlos Cabido.
Ginamit ni Ola ang kanyang mga impluwensiya at posisyon para sa mas mataas na layunin. Lihim siyang nag-organisa, nanghikayat ng mga kalalakihan, at nag-ipon pa ng pondo na umabot pa sa P42,000 na ibinigay niya kay Gen. Mariano Trias. Sa isang mapangahas na kilos, nakipagsabwatan siya sa isang mataas na opisyal ng kulungan, upang mapalaya ang siyam na pu’t tatlong mga bilanggo doon, na kalaunan ay kanyang mga naging tagasunod at sundalo ng kanyang hukbo.
Sa pagsisiklab ng Himagsikan laban sa Espanya, mabilis na nasubok ang kanyang galing. Lumaban siya sa Camalig, at itinalaga siya bilang Kapitan ni Gen. Vito Belarmino, isang Zone Commander noon sa Bicol.
Ngunit nang magsimula ang Digmaang Pilipino-Amerikano, doon nagningas ang tunay na apoy ng kanyang pagiging Heneral. Noong January 23, 1900, nakuha niya ang ranggong Major matapos matagumpay niyang matambangan at makabihag ang tatlong sundalong Amerikano.
Kahit pa natalo ang kanyang hukbo sa madugong labanan sa Arimbay at nasawi ang kanyang pinsan na si Jose Arboleda, ay hindi nabawasan ang kanyang determinasyon. Nagpatuloy siya sa pakikidigma, naging haligi ng pag-asa ng kanyang mga tauhan, at pinalawak ang kanyang hanay.
Mula 1901 hanggang 1902, pinamunuan niya ang matitinding labanan sa Binogsacan at paglusob sa Oas, at sa Ligao. Naging isang malaking balakid si Gen. Simeon Ola ng mga Amerikano sa kabila ng kanilang makapangyarihang armas at mas mahusay na kasanayan sa pakikidigma.
Dahil sa kabiguan ng Amerikano na siya ay madakip, nagpataw sila ng malupit na hakbang: Ito ang sistema ng reconsentrasyon mula March hanggang October, 1903. Ang taktikang ito ay idinisenyo upang putulin ang suporta ng sibilyan kay Gen. Ola, na nagresulta sa matinding pagdurusa, gutom, at kamatayan sa mga pangkaraniwang mamamayan. Dito nasubok ang kanyang malalim na prinsipyo at ipinaglalaban.
Tumanggi siya sa unang negosasyon na sumuko. Nagpatuloy siya sa pakikidigma, at noong July 15, 1903, inambush pa niya ang 31st Philippine Scout Garrison na kaalyado na ng mga Amerikano. Subalit, dahil sa tindi ng pinsalang dinaranas ng mga sibilyan, at sa kapaguran ng kanyang mga kasamahan sa mga labanan, napagtanto ni Gen. Ola na hindi na niya maaaring pang maipagpatuloy ang digmaang ito.
Ang huling desisyon niya ay hindi tanda ng pagkatalo ng kanyang diwang makabansa, kundi isang sukdulang aksiyon ng isang mahisay na pinuno. Nakipagkasundo siya kay Col. Harry H. Bandholtz para sa maihanda ang kanyang pagsuko, pero kalakip naman nito’y isang matinding kondisyon: Ang pangkalahatang amnestiya, patas na pagtrato, at hustisya para sa kanyang mga kasama.
Noong September 25, 1903, pormal siyang humarap at sumuko kina Governor Bette at Col. Bandholtz. Ang huling pagsuko ni Ola ang naging opisyal na katapusan ng digmaan sa Bicol. Agad siyang sinampahan ng kasong sedisyon at sinentensiyahan ng 30 taong pagkakakulong. Subalit, dahil sa pangkalahatang paggalang sa kanyang katapangan at integridad, binigyan siya ng executive clemency at pinalaya noong October 8, 1904.
Hindi doon natapos ang paglilingkod ni Gen. Simeon Ola, dahil pinagpatuloy niya ang kanyang paninindigan sa pulitika. Noong 1910, tumakbo siya at nanalo bilang Mayor ng Guinobatan, na pinagsilbihan niya mula 1910–1913, at muli noong 1916–1919.
Namatay si dating Heneral at ex Mayor Simeon Ola noong February 14, 1952, at inilibing sa Simbahan ng Guinobatan. Ang kanyang buhay ay nagpapatunay na ang tunay na heneral ay naglilingkod sa bayan hanggang sa huling hininga, sa digmaan man o sa kapayapaan.
Ang buhay ni Heneral Simeon Ola ay nagtuturo sa atin na ang tunay na pamumuno ay nasusukat sa sakripisyo para sa kapakanan ng nakararami. Ipinakita lang niya na ang pag-ibig sa bayan ay hindi nagtatapos sa pagbababa ng sandata; Ito ay nagpapatuloy sa pagsisilbi, at pagbibigay ng tunay na kapangyarihan at pagmamalasakit sa kapwa.