04/04/2025
Naway pag-isipan natin ng husto ang susunod na election... may pag-asa pa ang Pilipinas...
Nalulunod sa Baha ng Kwarta: Ang Trahedya ng Matitinong Kandidato Tuwing Kampanya
Tuwing kampanya, parang piyesta ang buong bansa—may libreng lugaw, may artista sa entablado, may pa-load, may konsiyerto. Pero sa likod ng kasiyahan, merong mas malupit na baha: baha ng kwarta. Baha ng ads. Baha ng pangakong kay gandang pakinggan pero kay tagal nang napako.
At sa gitna ng lahat ng ingay—natatabunan ang mga kandidatong matino.
Sila ’yung wala gaanong pera pang propaganda at ads, pero sila ang pinupuri natin tuwing hindi pa campaign season.
Sila ’yung hindi kayang bumili ng airtime, pero malinaw ang adbokasiya.
Sila ’yung walang propagandista sa media, pero tapat ang serbisyo.
Sila ’yung hindi makapagpagawa ng mala-MMK na commercial, pero may track record na hindi gawa-gawa.
Kapag hindi pa eleksyon, sila ang bida.
"Si Miriam Defensor Santiago, siya dapat naging presidente!"
"Si Raul Roco, 'yan ang tunay na lider!"
"Kung buhay pa si Pepe Diokno, walang duda, iboboto ko siya!"
"Si Salonga, si Tañada, si Joker Arroyo, si Evelio Javier—bakit wala nang katulad nila ngayon?"
Pero pag eleksyon na? Biglang tahimik ang suporta.
Kasi mas maingay ang mayayaman. Mas visible ang may budget.
At mas mabilis tayong mauto.
Yes. Mabilis ba tayong mauto?
Oo. Madalas, sobra.
Isang libreng tshirt, isang sakong bigas, isang "Pa-selfie tayo Mayor!"
Biglang burado ang dekada ng pagnanakaw. Biglang okay na ang panggagago.
Kasi "mabait naman siya sa tao."
Kasi "at least, nagbibigay."
Bakit ganun?
Bakit ang tagal natin magsuri, pero ang bilis natin masilaw?
Bakit kung sino ang may pondo, sila ang may boto?
Bakit kung sino ang matino, sila ang laging natitira sa dulo ng listahan?
Ang Pilipinas, hindi nauubusan ng matitinong kandidato.
Pero nauubusan tayo ng lakas ng loob para ipaglaban sila.
Paulit-ulit tayong nagsasabi ng "sayang."
Sayang si Miriam.
Sayang si Roco.
Sayang si Diokno.
Sayang si Salonga.
Sayang ang pagkakataon.
Pero sa totoo lang, hindi sila ang nasasayang. Tayo. Tayo ang paulit-ulit na nasasayang.
Tayo ang bumoboto sa magnanakaw tapos magugulat tayong walang pondo ang ospital.
Tayo ang kumakampanya sa manloloko tapos magtataka tayong bakit walang matinong batas.
Tayo ang nagpasilaw sa pa-promo, pa-poster, at pa-press release.
Kaya kung matalino talaga tayo, huwag tayong pauto.
Hindi lahat ng may billboard, may malasakit.
Hindi lahat ng may pa-concert rally, may plataporma.
Hindi lahat ng may pera, may prinsipyo.
Mas marami sa kanila ang babawiin ang bilyones na nagastos nila pag nasa pwesto na.
Ang boto, hindi dapat binabayaran. Pinag-iisipan.
Ang boto, hindi dapat nabibili. Dapat ipinaglalaban.
Panahon na para huwag na tayong malunod sa baha ng kwarta.
Panahon na para iakyat natin ang mga kandidatong hindi magnanakaw.
Panahon na para hindi na lang tayo tagahanga nina Miriam, Roco, Diokno—
Panahon na para bumoto tayo para sa kanila. Para sa mga tulad nila.
Kasi kung hindi tayo titigil sa pagiging uto-uto, walang patutunguhan ang bayan.
At baka sa susunod, hindi lang kandidato ang masasayang—baka buong bansa na.