01/07/2025
Ang Department of Dermatology ng DJNMRHS, kasama ang Institutional Research Ethics Board (IREB) at Professional Education Training and Research Unit (PETRU), ay nagsagawa ng isang hospital-wide na aktibidad sa pamamagitan ng research lecture series na may pamagat na *“Foundations of Clinical Research: A Practical Approach Part II”* noong Hunyo 24, 2025, mula 1:00 hanggang 5:00 ng hapon sa Hospital Auditorium.
Nagsimula ang programa sa isang panalangin na pinangunahan ni Dr. Adrian Joseph Piasan, kasunod ang pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas at himno ng DJNRMHS. Nagbigay ng opening remarks si Dr. Gemmy David, ang Head ng Nail Disorders and Surgery Unit ng Department of Dermatology at miyembro ng DJNRMHS Institutional Research Ethics Board (IREB), kung saan mainit niyang binati ang lahat ng dumalo. Sinundan agad ito ng lecture ni Dr. Ritche B. Ilagan, ang Chairman ng Institutional Research Ethics Board (IREB).
Unang tinalakay ni Dr. Ilagan ang *“Research Ethics and Regulatory Requirements”* kung saan ipinaliwanag niya kung gaano kahalaga ang pagsunod sa mga ethical guidelines at pagkuha ng tamang pahintulot mula sa institutional review board bago magsimula ng research. Pagkatapos nito ay nagkaroon ng open forum kung saan aktibo ang mga kalahok sa pagtatanong at pagbabahagi ng opinyon, kaya naging masaya at makabuluhan ang discussion.
Pagkatapos ng 15 minutong break, sinimulan ni Dr. Ilagan ang ikalawang bahagi ng kanyang lecture na pinamagatang *“Choosing the Right Research Design for Your Study.”* Ipinaliwanag niya ang iba’t ibang klase ng study designs at kung paano ito babagay sa uri ng data at resulta na gustong makita ng researcher. Binigyang-diin din niya kung gaano kahalaga ang tamang pagpili ng research design para masigurong maayos at reliable ang findings ng study. Pagkatapos nito, nagkaroon ng maikling interactive question and answer portion kung saan si Dr. Ilagan ang nagtatanong sa mga participants. Ang mga nakasagot nang tama ay nabigyan ng skincare loot bags, na nag-udyok sa audience para sumali.
Nagtapos ang event sa closing remarks ni Dr. Vilma C. Ramilo, Chairperson ng Department of Dermatology, kung saan nagpasalamat siya sa lahat ng nakiisa sa hospital-wide na aktibidad. Umabot sa kabuuang 63 na mga kalahok mula sa iba’t ibang departamento ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital & Sanitarium ang dumalo sa event na ito. Naging matagumpay ang event dahil malinaw at kapaki-pakinabang ang mga impormasyong naibahagi na makakatulong sa mga participants sa paggawa ng kanilang research.