11/01/2026
Higit pa sa pagiging isang special non-working holiday.
Ang paggunita sa pagkakatatag ng lalawigan ng Bataan ay nagsisilbing paalala na ang pagiging Bataeño ay hindi lamang nasusukat sa lugar na ating kinalalagyan, kundi higit sa lahat sa kasaysayang ating minana at sa pananagutang kaakibat ng pagpapanatili ng diwa nito para sa mga susunod na salinlahi.
Itinatag noong 1754 ni Gobernador-Heneral Pedro Manuel Arandia mula sa mga lupang dating sakop ng Pampanga, ang Bataan ay hinubog ng mga pagsubok at paghihirap na dinanas nito sa paglipas ng panahon. Bago pa man dumating ang panahon ng modernisasyon, ang lalawigan ay naging saksi at aktibong bahagi ng mga laban, sakripisyo, at pakikibakang humubog sa kasaysayan ng bansa.
Sa paggunita natin ngayon sa Bataan Foundation Day, nawa’y magsilbi itong panawagan upang higit pang palalimin ang ating kamalayan at pagpapahalaga sa ating nakaraan. Kaisa ang UP Peninsulares sa panawagang ang paggunita sa kasaysayan ng Bataan ay hindi lamang pag-alala sa nakaraan, kundi isang patuloy na paninindigan upang hubugin ang kamalayan, pagkakaisa, at malasakit ng mga Bataeño sa kasalukuyan at hinaharap. Ating pinararangalan ang kaluluwa, kasaysayan, at walang hanggang diwa ng pagiging Bataeño.