
15/08/2025
MGA KASO NG LEPTOSPIROSIS AT DENGUE, MAHIGPIT NA BINABANTAYAN NG DOH
Umabot sa 2,396 na kaso ng leptospirosis ang naitala ng Department of Health mula June 8 o isang linggo matapos ideklara ng PAGASA ang tag-ulan, hanggang August 7, 2025.
Kaugnay nito, naka alerto ang mga DOH Hospitals sa bansa at nagbukas na ang ilan ng mga leptospirosis fast lanes para mabilis na matignan ang mga pasyenteng dudulog ng konsultasyon.
Handa naman ang ahensya sa inaasahang pagtaas sa kaso ng leptospirosis matapos ang sunod sunod na pagbaha mula July 21 dulot ng habagat, bagyong Crising, Dante, at Emong.
Binabantayan din ng ahensya ang mga kaso ng dengue na umabot na sa 8,171 na kaso mula July 6 hanggang July 19.
Mas mababa ito ng 33% kumpara sa naitalang kaso sa huling linggo ng Hunyo—June 22 hanggang July 5, na nasa 12,166 na kaso.
Payo naman ng DOH, ‘wag maging kampante sa banta ng dengue—maaraw man o maulan.
Matatandaang sinabi ng ahensya Pebrero nitong taon na maaaring tumaas ang kaso ng dengue ngayong tag-ulan pero ano mang panahon ay pwedeng mangitlog ang lamok at makapagkalat ng sakit.
Paalala pa rin ng DOH na ugaliing isagawa ang 4Ts–taob, taktak, tuyo, at takip tuwing alas kwatro ng hapon para mapuksa ang mga pinamamahayan ng lamok lalo ngayong natapos ang ulan at maaaring may mga naipong tubig na pamamahayan ng lamok.