21/12/2025
Mga batang Moro nagka-school bags, ayudang bigas
Karagdagang 78 pa na mga malnourished na mga batang Moro ang tumanggap ang mga magulang ng tig-25 kilong bigas bilang nourishment support habang ilang mga estudyante naman ng isang Islamic school ang nabigyan ng school bags sa mga hiwalay na humanitarian activities sa Kabacan, Cotabato at sa isang bagong tatag na Bangsamoro municipality sa probinsya ng tanggapan ng isang miyembro ng parliament sa autonomous region.
Kinumpirma nitong Lunes, December 22, ng mga barangay officials at mga traditional Moro leaders sa Barangay Kayaga sa Kabacan ang pamimigay nitong Biyernes sa mga magulang ng 78 na mga malnourished na mga bata ng tig-25 kilong bigas ng public service team ng tanggapan ni Member of Parliament Kadil Sinolinding, Jr. na siya ring kasalukuyang minister ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Karamihan sa mga magulang ng naturang 78 na mga malnourished na mga bata, mula sa apat na mga liblib na sitio sa Kabacan, ay umaasa lang sa pagsasaka para sa ikabubuhay ng kanilang mga pamilya.
Ayon sa mga municipal at barangay officials sa Kabacan, nagtulungan sina Member of Parliament Sinolinding at ang chief minister ng BARMM, si Abdulrauf Macacua, sa relief mission para sa mga batang Moro na malnourished sa kanilang lugar.
Nitong Linggo, December 21,malaking bilang naman ng mga Islamic school pupils sa isang paaralan sa Barangay Pedtad sa Old Kaabacan, isa sa walong mga bagong tatag na mga bayan sa Bangsamoro Special Geographic Area sa probinsya ng Cotabato, ang tumanggap ng school bags mula sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte, idinaan sa tanggapan ni Member of Parliament Sinolinding.
Ayon kay Datu Adan Mantawil, barangay chairman sa Pedtad, malaking bagay para sa mga mag-aaral ang naturang mga school bags dahil hindi na mababasa ang kanilang mga gamit sa pag-aaral kung tag-ulan na hawak-hawak lang nila, naka-expose, sa kanilang pagpasok sa paaralan at sa pag-uwi sa kanila-kanilang mga tahanan.
Pinasalamatan ni Mantawil at ng mga municipal officials sa Old Kaabacan ang tanggapan ni Vice President Duterte at ang public service team nila Member of Parliament Sinolinding sa kanilang magkatuwang na humanitarian mission na nakatulong sa mag-aaral Institute of Norul Guiadid Al-Islamie Incorporated, isang Islamic school sa Barangay Pedtad.
Ayon sa mga barangay officials sumama sa paghatid ng mga school bags sa Barangay Pedtad ang mga Kawani ng tanggapan sa Cotabato City ni Vice President Sara Duterte na sina John Besanes, Norhamen Dalimbang, Luneto Domato at Bai Mon Omar. (December 22, 2025)