27/10/2019
Bakit kelangang organiko ang paraan ng pagsasaka? At bakit kelangan nang sugpuin ang paggamit ng KEMIKAL at LASON?😱 Worth reading & sharing👍
Farming is more fun & fulfilling if organic. Thank you again and again E-Motion for priceless support to Mibpulo Unified Agriculture Cooperative 💚
SI BABU GANAP AT ANG ORGANIKONG PAGSASAKA
Si Babu Ganap ang pinakamatandang kalahok sa patuloy na training at pag-aaral ukol sa organikong pamamaraan ng pagsasaka. Ang training ay pinapatakbo ng E-Motion katuwang nito ang Mibpulo Unified Agriculture Cooperative ng GSKP, Maguindanao, BARMM 🇵🇭.
Makikita sa larawan na hawak ni Babu Ganap ang isa sa output sa kanilang actual demonstration, ang Fermented Fruit Juice. Ito ay gawa sa lokal na materyales at nagsisilbing organikong pataba. Ito ay magtataglay ng Phosphorus at Potassium, mga macronutrients na kailangan ng tanim.
BAKIT MAHALAGA ANG ORGANIKONG PAMAMARAAN NG PAGSASAKA?
Narito ang ilang katangiyan ng teknolohiyang ODIGS at ODIFS na pinag aaralan ng mga miyembro ng MUAC.
🌿HINDI BANTA SA KALUSUGAN
Ang Organic Diversified & Integrated Farming System (ODIFS) ay hindi gumagamit ng kemikal o lason. Ang mga kemikal at lason na ginagamit bilang abono, pestiscide at herbicide ay maaaring makapinsala sa kalusugan. Ito ay nahahalo mismo sa tanim, sa lupa, sa tubig at sa hangin. Kung makahalo ito sa pagkain, mapipinsala nito ang kalusugan ng tao. Ang paglanghap lamang sa hangin na may lason ay nagdudulot ng sakit sa respiratory system, sa dugo at utak.
Ang pagkain ng organikong gulay at prutas ay nakatutulong upang mapanatili ang kalusugan. Malaking tulong ang organikong gulay at prutas upang maiwasan ang mga nakamamatay na sakit tulad ng kanser na maaaring dulot ng pagkain na may kemikal.
🌿HINDI BANTA SA KALIKASAN
Dahil hindi gumagamit ng kemikal o lason ang ODIFS, napapanatili nito ang kalidad at kaayusan ng kalikasan. Hindi nito nasisira ang likas yaman at iba pang uri ng buhay na lubos na kailangan natin upang maging balanse ang ecosystem.
🌿HINDI NASISIRA ANG KALIDAD NG LUPA
Ang sistema ng ODIFS ay hindi nakasisira ng kalidad ng lupa.
Ang paggamit ng kemikal at lason ay nakasisira ng kalidad at mismong buhay ng lupa. Napapatay ng kemikal at lason ang mga kaibigang bulate at organismo sa lupa. Ang mga bulate ay nagbibigay ng pataba sa lupa. Ang mga Nitrogen-Fixing Bacteria (NFB) ay kino-convert nito ang nitrogen sa hangin upang maging nirates o Urea na kailangan ng tanim.
Ang mga lupang ginamitan ng kemikal at lason ay nagiging compact o siksik at sobrang asim kundi man maalat at nagiging mainit ang lupa. Nagiging sanhi ito upang hindi tumubo ng mabuti ang tanim.
🌿MAIWASAN ANG GUTOM AT MALNUTRISYON
Kabilang din sa layunin ng ODIFS ay magkaroon ng sapat at malusog na pagkain sa mesa. Kung maraming uri ng pagkain tulad ng gulay, prutas, root crops o halamang ugat, isda at hayop, maiiwasan ang gutom sa tahanan. Ang ODIFS ay makapagbigay ng sapat na pagkain sa haba ng panahon.
Ang mga pagkaing hindi ginamitan ng lason mas mayaman sa nutrina tulad ng protina, bitamina, minerals, carbohydrates, antioxidants at iba pang sustansiya. Ang mga nutrinang ito ay kailangan ng katawan upang maiwasan ang malnutrisyon at pagkakasakit.
🌿NAGBIBIGAY NG KITA SA PAMILYA
Bagamat ang layunin ng ODIFS ay sapat at ligtas na pagkain, nagbibigay din ito ng kita at kabuhayan sa pamilya.
Marami tayong naririnig na maralitang pamilya na nakapagpatapos ng pag-aaral ng mga anak o naging matagumpay dahil sa pagtatanim at paghahayupan kahit sa maliit lamang na sukat ng lupa.
Ang mga gulay, prutas at root crops ay tinatawag na “cash crops” ay makikita rin sa loob ng ODIFS. Ibig sabihin ay madaling mabenta sa palengke maging sa kapitbahay.
Ang kita ng pamilya ay di lamang manggagaling sa mga pangunahing tanim tulad ng palay, mais, niyog at saging bagkus ay sa mga alagang hayop at palaisdaan din.
🌿HALOS WALANG GASTOS
Ang ODIFS ay halos walang gastos dahil ang mga pataba at pest control ay hindi na binibili. Ito ay galing din sa paligid at ang mag-anak lamang ang gumagawa ng organikong pataba at panaboy ng peste. Pawis lamang ang malaking kapital sa pagtatanim.
Mas mainam na gamitin ang katutubong binhi o traditional seeds dahil mas matibay ito sa sakit at kayang mabuhay sa lokal na klima at panahon.
Ang mga kemikal at lason ay sobrang mahal kasama ang mga hybrid seeds.
Hindi mo na kailangan pang mangutang para lamang makapagtanim at magkaroon ng sapat na pagkain at posibleng kita.
🌿HINDI KAILANGAN ANG MALAWAK NA LUPA
Ang ODIFS ay sagot sa kawalan ng lupang matataman dahil maliit na sukat ng lupa lamang ang kailangan, madali lang isagawa at alagaan ang isang ODIFS farm.
🌿NAGAGAMIT ULI ANG DI NA GINAGAMIT
Ang mga basurang nabubulok ay maaaring gamiting pataba. Mapapakinabangan ang tirang gulay, balat ng gulay at prutas, maging ang damo at halamang halos walang pakinabang ay magagamit na pataba at pamuksa ng peste.