20/09/2025
𝗣𝗮𝗹𝗮𝗸𝗮𝘀𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗿𝗲𝘀𝗶𝘀𝘁𝗲𝗻𝘀𝘆𝗮 𝗻𝗴𝗮𝘆𝗼𝗻𝗴 𝘁𝗮𝗴-𝘂𝗹𝗮𝗻!
Tuwing tag-ulan, mas mataas ang tsansa ng pagkakaroon ng sipon, ubo, at iba pang mga sakit. Kaya mahalaga ang malakas na 𝘪𝘮𝘮𝘶𝘯𝘦 𝘴𝘺𝘴𝘵𝘦𝘮 o resistensya.
Ang 𝘪𝘮𝘮𝘶𝘯𝘦 𝘴𝘺𝘴𝘵𝘦𝘮 ay depensa ng katawan laban sa mga mikrobyo kagaya ng 𝘣𝘢𝘤𝘵𝘦𝘳𝘪𝘢 at 𝘷𝘪𝘳𝘶𝘴 na nagdudulot ng sakit. Partikular na dapat bigyang-pansin ang mga bata, buntis, at matatanda dahil sila ang mas madaling kapitan ng sakit.
Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng 𝘪𝘮𝘮𝘶𝘯𝘦 𝘴𝘺𝘴𝘵𝘦𝘮, mas mabilis na malalabanan ang anumang uri ng sakit o impeksyon, at mas protektado ang kalusugan.
Narito ang ilang hakbang upang mapanatiling malakas ang 𝘪𝘮𝘮𝘶𝘯𝘦 𝘴𝘺𝘴𝘵𝘦𝘮 upang maging protektado sa sakit:
𝗞𝘂𝗺𝗮𝗶𝗻 𝗻𝗴 𝘀𝗮𝗽𝗮𝘁 𝗻𝗮 𝗴𝘂𝗹𝗮𝘆 𝗮𝘁 𝗽𝗿𝘂𝘁𝗮𝘀. Sagana ang mga gulay at prutas sa iba’t ibang 𝘯𝘶𝘵𝘳𝘪𝘦𝘯𝘵𝘴, 𝘢𝘯𝘵𝘪𝘰𝘹𝘪𝘥𝘢𝘯𝘵𝘴, at 𝘣𝘪𝘰𝘢𝘤𝘵𝘪𝘷𝘦 𝘤𝘰𝘮𝘱𝘰𝘶𝘯𝘥𝘴 na makakatulong upang labanan ang mga impeksyon at palakasin ang resistensya. Maliban dito, mabuti ring i-pares ito sa karne, isda, at kanin upang masigurong balanse ang kinakain.
𝗠𝗮𝗻𝗮𝘁𝗶𝗹𝗶𝗻𝗴 𝙝𝙮𝙙𝙧𝙖𝙩𝙚𝙙. Ang pag-inom ng walo (8) o higit pang baso ng tubig bawat araw ay makakatulong upang palakasin ang resistensya ng katawan. Siguraduhin ding malinis ang iniinom na tubig. Kung walang ligtas na pagkukunan, pakuluan muna ito ng maigi ng isa hanggang dalawang minuto at palamigin bago inumin. Kapag nasa mataas na lugar, kinakailangan ng mas mahabang oras ng pagpapakulo upang masigurong ligtas ang tubig. Para sa mga may sakit sa bato (𝘬𝘪𝘥𝘯𝘦𝘺𝘴) at iba pang sakit na kailangang bawasan ang dami ng tubig na iniinom, mabuting itanong muna sa doktor ang tamang dami.
𝗠𝗮𝗴-𝗲𝗵𝗲𝗿𝘀𝗶𝘀𝘆𝗼 𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗿𝗲𝗴𝘂𝗹𝗮𝗿. Maglaan ng kahit 30 minuto bawat araw, limang beses sa isang linggo, upang manatiling malakas at masigla ang katawan. Sa mga may karamdaman, kagaya ng may sakit sa puso, mataas ang presyon o 𝘩𝘪𝘨𝘩-𝘣𝘭𝘰𝘰𝘥, baga, asma, may pisikal na kapansanan, at iba pang sakit na kailangan bantayan ang pisikal na gawain, sumangguni muna sa inyong doktor.
𝗠𝗮𝗴-𝗶𝗻𝗴𝗮𝘁 𝗹𝗮𝗯𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗶𝗺𝗽𝗲𝗸𝘀𝘆𝗼𝗻. Ugaliing maghugas ng kamay at mga kagamitan sa kusina bago, habang, at pagkatapos maghanda ng pagkain. Maghugas ding mabuti ng mga kamay pagkatapos gumamit ng palikuran o 𝘤𝘰𝘮𝘧𝘰𝘳𝘵 𝘳𝘰𝘰𝘮. Tuwing lalabas, iwasan ang paglusong sa baha na maaaring magdulot ng mga sakit sa balat at 𝘭𝘦𝘱𝘵𝘰𝘴𝘱𝘪𝘳𝘰𝘴𝘪𝘴. Kung hindi maiiwasan ang lumusong sa baha, magsuot ng bota (𝘳𝘢𝘪𝘯 𝘣𝘰𝘰𝘵𝘴) o balutan ng makapal na plastik ang mga paa. Huwag na huwag magyayapak o maligo sa baha upang maiwasan ang pagkasugat, impeksyon, o injury, lalo na kung may mga sugat o may alipunga na.
Huwag kalimutan ang pagiging handa sa panahon ng bagyo o baha. Mag-imbak ng mga masustansya at 𝘴𝘩𝘦𝘭𝘧-𝘴𝘵𝘢𝘣𝘭𝘦 o nagtatagal na pagkain kagaya ng bigas, munggo, at gatas na pulbos (𝘱𝘰𝘸𝘥𝘦𝘳𝘦𝘥 𝘮𝘪𝘭𝘬) at malinis na inumin upang masiguro ang tamang nutrisyon at kaligtasan ng pamilya anumang panahon.
Tandaan: Ang simpleng pag-aalaga sa 𝘪𝘮𝘮𝘶𝘯𝘦 𝘴𝘺𝘴𝘵𝘦𝘮 ngayon ay proteksyon para sa hinaharap. Panatilihing ligtas at malusog ang sarili at pamilya ngayong tag-ulan!