
23/05/2025
‼️‼️ PLS BASA!
BASAHIN | PUBLIC ADVISORY MPOX (Monkeypox) Awareness
Ang City Health Office ng Lungsod ng General Santos ay naglalabas ng paalalang ito upang itaas ang kamalayan ng publiko tungkol sa MPOX o mas kilala bilang Monkeypox. Isa itong nakahahawang sakit na dulot ng Monkeypox virus at may mga sintomas na kahalintulad ng bulutong (smallpox), gaya ng lagnat, pananakit ng katawan, at mga pantal o rashes sa balat. Bagamat karamihan sa mga kaso ay ganap na gumagaling, maaari pa rin itong magdulot ng malubhang karamdaman sa ilang pasyente.
Ang MPOX ay naipapasa mula sa tao patungo sa tao, pangunahin sa pamamagitan ng malapitang pisikal na kontak, kabilang ang pakikipagtalik. Maaari rin itong maipasa sa pamamagitan ng paggamit ng mga kontaminadong gamit gaya ng kumot, damit, o ibabaw ng mga bagay.
Sa kasalukuyan, kinukumpirma ng City Epidemiology and Surveillance Unit na WALA PANG KINUKUMPIRMANG KASO ng MPOX sa Lungsod ng General Santos. Gayunpaman, dahil may mga naitalang kaso sa mga karatig-lugar, mahalaga ang patuloy na pagbabantay at pag-iingat ng bawat isa.
Hinihikayat namin ang lahat na maging mapagmatyag, alamin ang tamang impormasyon, at sundin ang mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Kung makakaranas kayo ng sintomas na gaya ng lagnat, pananakit ng katawan, at hindi maipaliwanag na mga pantal o sugat sa balat, agad na kumonsulta sa doktor o bumisita sa pinakamalapit na Rural Health Unit.
Para sa karagdagang impormasyon o tulong, maaari kayong tumawag sa City Health Office sa (083) 552-2805. (CPIO/MBDG/RSC)