16/08/2025
KASO NG DENGUE BAHAGYANG TUMAAS MATAPOS ANG HABAGAT AT BAGYO NOONG HULYO
Naitala ng DOH ang bahagyang pagtaas sa kaso ng dengue sa linggo ng July 13 hanggang July 26, na umabot sa 15,091. Matatandaang ito ang linggo nang maramdaman ang epekto ng bagyong Crising, Dante at Emong.
Sa nasabing linggo, mas mataas ng 7% ang kaso ng dengue kumpara sa naitalang kaso mula June 29 hanggang July 12 na umabot sa 14,131.
Nananatili namang naka-alerto ang DOH sa mga kaso ng dengue sa bansa, at nananatiling aktibo ang mga dengue fastlanes sa mga DOH hospitals.
Dagdag pa ng ahensya, samantalahin ang mga oras na hindi umuulan para maglinis ng mga lugar na pwedeng mapag-ipunan ng tubig tulad ng mga paso, alulod, baradong kanal at imburnal dahil dito nangingitlog ang lamok na aedes aegypti na nagkakalat ng dengue.
Gawin ang taob, taktak, tuyo, at takip sa mga simpleng lalagyanan ng tubig na pinamamahayan din ng nasabing lamok.
Kung sakaling makaranas ng lagnat ng dalawang araw at makaramdam ng mga sintomas tulad ng pagpapantal, pananakit ng katawan, kalamnan at mga mata, pagkahilo at pagsusuka, agad na kumonsulta sa health center o magtungo sa mga dengue fast lanes sa mga DOH hospitals.