
15/07/2025
*Panukala para palawakin ang benepisyo ng mga kasambahay, isusulong ni Cayetano*
Isinulong ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Huwebes ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na benepisyo at proteksyon para sa mga kasambahay, kabilang ang libreng gamot, access sa edukasyon, at mas mahigpit na pagpapatupad ng kanilang karapatan sa ilalim ng batas.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 418 o Enhanced Batas Kasambahay Act, palalawakin ang kasalukuyang Republic Act No. 10361 para matugunan ang patuloy na problema ng mababang sahod, kakulangan sa skills training, at limitadong suporta sa kalusugan ng mga kasambahay.
“Kasambahays play a vital role in Filipino households. Through their hard work and care, they ensure the comfort, stability, and well-being of the families they serve,” wika ni Cayetano.
“But if we are to truly transform the nation, we must begin by reducing social inequalities — starting at home,” dagdag niya.
Sakop ng panukala ang pagbibigay ng hindi bababa sa isang oras kada araw o anim na oras kada linggo para sa skills training o alternative education ng mga kasambahay. Babayaran ito bilang bahagi ng kanilang working hours.
Para suportahan ang online learning, inaatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maglunsad ng programang magbibigay ng internet-enabled devices sa mga kasambahay.
Itatatag rin ang Kasambahay Education Inter-Agency Committee na binubuo ng DOLE, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Education (DepEd), at Commission on Higher Education (CHED) para bumuo ng practical modules, tiyaking may access kahit may teknikal na limitasyon, at balansehin ang karapatan ng amo at kasambahay.
May probisyon din para sa libreng maintenance medicines para sa mga kasambahay na may diabetes, high blood, hika, TB, at iba pang chronic illnesses. Sagot ito ng LGU at PhilHealth sa ilalim ng National Health Insurance Program.
Pinalalakas din ng panukala ang pagpapatupad ng obligasyon ng mga amo na irehistro ang kasambahay sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG. May dagdag suporta rin sa mga kasambahay na biktima ng abuso o pagsasamantala.
“No one should remain a kasambahay for life simply because they were never given the chance to grow. By investing in their development, we invest in a more inclusive, just, and forward-moving society,” wika Cayetano.