27/10/2025
May puso sa agrikultura: Anak ng magkakalabaw, registered agriculturist, master’s graduate pa!
Sa panahong unti-unting nababawasan ang mga kabataang nais tahakin ang larangan ng agrikultura, pinatunayan ni Kareen Badie-Padronia, 35, ng Cadiz City, Negros Occidental, na buhay pa rin ang sigla at malasakit ng kabataan sa sektor na ito. Siya ay hindi lamang registered agriculturist, kundi isa ring master’s degree graduate sa larangan ng agrikultura.
Ayon sa Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA), pababa nang pababa ang bilang ng mga Pilipinong estudyanteng kumukuha ng kursong may kaugnayan sa agrikultura—bumababa ng tinatayang 1.5% bawa’t taon. Dahil dito, itinuturing na inspirasyon si Kareen sa mga kabataang Pilipino—isang buhay na patunay na sa kabila ng pagbaba ng interes sa agrikultura, mayroon pa ring mga kabataang may malasakit at handang ipagpatuloy ang gawaing malaki ang ambag sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Lumaki si Kareen sa piling ng mga magulang na masigasig na ginagampanan ang mga gawain sa bukid partikular na sa tubuhan. Mula pagkabata, nasaksihan niya kung paano nagsusumikap ang kanyang mga magulang upang maitawid ang kabuhayan sa pamamagitan ng pagsasaka hanggang sa sumuong sila sa pag-aalaga ng kalabaw. Doon nahubog ang kanyang pagkahilig at pagmamahal sa agrikultura.
Matapos niyang makapagtapos ng Bachelor of Science in Agriculture sa Northern Negros State College of Science and Technology, na ngayo’y kilala bilang State University in Northern Negros, ipinagpatuloy niya ang kanyang paglalakbay sa mas mataas na antas ng karunungan. Siya ay scholar ng Sugar Regulatory Administration noong kolehiyo, at nito lamang Oktubre 25, 2025, matagumpay niyang natapos ang kursong Master of Science in Agriculture major in Crop Science sa Cebu Technological University-Barili Campus bilang DOST STRAND scholar.
“Pangarap ko po talaga na mas mapalawak pa ang kaalaman ko sa agrikultura, kung loloobin ay gusto ko po ay hanggang PhD. Gusto kong ipakita na may kinabukasan sa ganitong larangan, lalo na kung pag-aaralan at paghihirapan,” pahayag ni Kareen.
Nguni’t higit sa mga scholarship at diploma na kanyang natanggap, ang inspirasyon ni Kareen ay ang matatag na pagsisikap ng kanyang mga magulang—ang mag-asawang Corazon at Danilo Badie, mga kilalang carapreneurs sa kanilang lugar. Hindi maipaliwanag ang saya ng kanyang mga magulang nang makamit ni Kareen ang tagumpay na ito. Para sa kanila, bunga ito ng tiyaga, sakripisyo, at pananampalataya.
Ayon kay Kareen, malaking bahagi ng kanyang tagumpay ang negosyong pagkakalabawan ng kanilang pamilya.
“Kapag po hindi pa dumadating ‘yong allowance ko sa scholarship, tumutulong po sina Mama at Papa sa akin. Ang kita po sa gatas ng kalabaw ang naging katuwang namin noong nag-aaral ako,” pahayag ni Kareen.
Kahit abala sa pag-aaral, hindi siya nag-atubiling tumulong sa pag-aalaga ng kanilang mga kalabaw. Tuwing wala siyang pasok, tumutulong siya sa paglilinis ng kulungan hanggang sa pagkuha ng mga pakaing damo sa kanilang mga alaga. Para sa kanya, ito ang pinakamagandang paraan ng pagbabalik at pagtanaw ng utang na loob sa kabuhayang nagsilbing katuwang ng kanilang pamilya sa pagbangon.
Hindi rin maikakaila na ang tagumpay ni Kareen ay bunga rin ng mabuting ehemplo ng kanyang mga magulang. Noong 2021, ginawaran ang kanyang ina na si Corazon bilang Outstanding Dairy Buffalo Farmer (Family Module category) dahil sa dedikasyon at malasakit ng buong pamilya sa kanilang kabuhayan.
Nagsimula ang kanilang paglalakbay sa paggagatasan noong 2016, nang mapili si Corazon bilang isa sa mga benepisyaryo ng Dairy Buffalo Livelihood Project sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-SLP). Binigyan siya, kasama ang mga ka-myembro niya sa Magsaysay Integrated Livelihood Economic Sufficiency Association, ng walong crossbreds na kalabaw at sinanay ng DA-PCC sa La Carlota Stock Farm upang mapaunlad pa ang kanilang kakayahan.
Sa tulong ng dedikasyon ng buong pamilya, ang simpleng kabuhayang nakabatay sa kalabaw ay nagbunga ng malaking biyaya—hindi lamang sa kabuhayan kundi pati sa edukasyon ng kanilang mga anak.
“Kung may puso ka sa agrikultura, marami kang matutulungan—hindi lang sarili mo kundi pati ang komunidad,” mensahe ni Kareen sa kapwa kabataan.
Ngayon, ang dating simpleng pangarap ay naging inspirasyon—hindi lamang sa kanilang pamilya kundi sa mga kabataang tulad ni Kareen na hindi natitinag ng modernisayon at patuloy na pinipiling mahalin at pagyamanin ang sektor ng agrikultura.
[Ni: Ma. Cecilia Irang-Mariano]
[Photos (c) Kareen Badie-Padronia and PCC]