19/04/2025
MAGING ALERTO NGAYONG BAKASYON!
Dagdag ingat upang maiwasan ang mga karaniwang sakit ngayong tag-init gaya na lamang ng:
Heat Stroke - na nangyayari dahil sa init ng panahon na sinabayan pa ng kawalan ng kakayahan ng ating katawan na kontrolin ang sobrang pagtaas ng temperatura nito. Maaaring makaranas ng matinding pagkahilo, lagnat, pangangalay, mainit at namumulang balat, at pagkawala ng malay, pagkalito, o deliryo.
Diarrhea - ang pagtatae na dulot ng iba't-ibang bacteria gaya na lamang ng E. coli at salmonella na maaaring maging sanhi rin ng mas malubhang sakit sa tyan. Ngayong tag-init, mas mabilis at mas madali ang pagdami ng bacteria sa mga pagkain at tubig kung hindi wasto ang pagkaluto at pagiimbak nito.
Sakit sa Balat - na maaaring dulot ng iba't-ibang salik gaya na lamang ng UV rays mula sa araw kung saan ang inyong balat ay maaaring mamula at makaranas ng hapdi (sunburn); iritasyon dulot ng pawis, init, at alikabok kung saan ang inyong balat naman ay maaaring makaranas ng pangangati at pagkakaroon ng mga pantal (bungang araw); at virus na maaaring makuha sa infected na paliguan gaya ng swimming pool.
Ipinapaalala ng Bataan Provincial Health Office na gumamit ng proteksyon sa UV rays gaya ng payong at sombrero, uminom ng 8-10 baso ng malinis na tubig, magsuot ng maluwag at preskong damit, at iwasang maglagi nang matagal sa gitna ng tirik na araw.
Sanayin din ang regular na pagligo at paghihilamos gamit ang malinis na tubig at banayad na sabon. Kung maliligo naman sa mga pampublikong paliguan, siguraduhing makapagbanlaw ng katawan gamit pa rin ang malinis na tubig at sabon.
Tiyakin ding malinis at maayos ang pagkakaluto ng inyong mga kakainin. Huwag patagalin ang mga pagkain ngayong tag-init upang maiwasan ang pagkapanis ng mga ito.
Sama-sama tayo sa pagkamit ng ligtas na summer ng alerto at matatag na pamilyang Bataeño.