30/11/2025
Ngayong ika-30 ng Nobyembre, ipinagdiriwang at binibigyang pugay natin ang ika-162 na kaarawan ng nag-iisang Supremo, si Andres Bonifacio. Tumindig si Bonifacio laban sa mapang-aping sistema habang tinataglay ang paninindigan at matibay na paniniwalang nararapat tayong magkaroon ng isang bansang para sa atin. Ngayon, bagama’t matagal nang umalis ang mga Kastila, patuloy pa ring ginagapos at pinapatay ang taumbayan dala ng lantaran at talamak na katiwaliang umiiral sa ating bansa.
Ang eskandalo na sumiklab hinggil sa iregularidad sa mga proyekto sa flood control ay nagsiwalat sa tumitinding lebel ng korapsyon sa ating pamahalaan. Natuklasan sa mga pagdinig ng Kamara, Senado, at ICI ang mga ghost projects, substandard na mga konstruksyon, at bilyon-bilyong pisong kickback na kinasangkutan ng mga mambabatas, kontratista, opisyales ng DPWH, at iba pang mga kawani ng gobyerno.[1]
Habang ang mga tiwaling opisyal na ito ay nagpapakasasa sa bunga ng kanilang ninakaw, patuloy namang nagdurusa ang sambayanang Pilipino. Hindi pa rin mabilang ang mga buhay na nalalagas bunga ng mga malawakang pagbaha na sana’y naagapan kung may epektibong depensa laban rito. Sa bawat silid aralan na hindi naipatatayo [2] at sa mga kalsadang hindi napakikinabangan,[3] napipigilan at pinapatay ang ating pag-unlad. Ang dugo’t pawis na ipinuhunan ng mga manggagawa at magsasaka ay nauuwi lamang sa bulsa ng mga kurakot.
Naninindigan ang kapatiran na ipagpatuloy ang diwa ng tapang at pagmamahal sa bayan ni Bonifacio sa paglahok sa mga malawakang mobilisasyon na magaganap ngayong Nobyembre 30 sa kalakhang Maynila. Makakamit lamang ang tunay na kalayaan sa pagdulog sa lansangan kasama ang masang lumalaban, ito ang tunay na Alay sa Sambayanan.
Inaanyayahan ng UP Alpha Sigma Fraternity ang taumbayan na lumahok sa nagaganap na kilos-protesta ngayon sa EDSA at sa Luneta bilang laban sa lugmok na sistema na dulot ng korapsyon. Bitbit ang ating mga panawagan, ating kalampagin ang gobyerno nang tuluyan nilang madama ang nagpupuyos na galit at kasawaan sa katiwalian at kawalan ng aksyon. Mga Iskolar ng Bayan, bahain natin ang mga kalsada ng ating bilang. Ating sundan ang mga yapak ni Bonifacio na buong tapang na lumaban para sa kalayaan. Sama-sama nating iparinig ang ating nag-iisang boses na nananawagan ng tuluyang pagbabago. Ating panagutin ang tambalang Marcos-Duterte, mga mambabatas, at mga negosyante na walang pakundangang nilulustay ang kaban ng bayan para sa kanilang mga pansariling-interes.
Sa diwa ng araw ni Bonifacio, ating pangalagaan ang tinatamasang kalayaan. Alay sa Sambayanan!
Mga sanggunian:
[1] A timeline of the Philippine flood control scandal, Setyembre 11, 2025, sa https://www.abs-cbn.com/news/nation/2025/9/11/a-timeline-of-the-philippine-flood-control-scandal-0600
[2] DepEd finds 1,000 DPWH-made classrooms ‘unusable’, Setyembre 20, 2025. sa https://www.philstar.com/headlines/2025/09/20/2474149/deped-finds-1000-dpwh-made-classrooms-unusable
[3] ‘Ghost,’ overpriced roads discovered in Mindanao, October 1, 2025, sa https://newsinfo.inquirer.net/2117601/ghost-overpriced-roads-discovered-in-mindanao