
20/09/2025
𝗜𝗡𝗨𝗧𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗔 𝗗𝗨𝗚𝗢 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗦𝗜𝗦𝗧𝗔𝗡𝗚 𝗥𝗘𝗛𝗜𝗠𝗘𝗡, 𝗦𝗜𝗡𝗚𝗜𝗟𝗜𝗡, 𝗦𝗜𝗡𝗚𝗜𝗟𝗜𝗡, 𝗣𝗔𝗚𝗕𝗔𝗬𝗔𝗥𝗜𝗡!
Sa ika-53 na anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar sa ilalim ng diktaduryang Marcos Sr., nakikiisa ang The UPLB Genetics Society sa pag-alala sa madilim na bahagi ng kasaysayang nagpayaman lamang ng kultura ng karahasan, pangungurakot, at pagyurak sa karapatang pantao.
Ngayon, sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., patuloy pa rin ang banta sa kalayaan at karapatan ng kabataan. Noong Nobyembre 2023, dinakip ng mga elemento ng 59th Infantry Battalion si Sis Karla Monge, GeneSoc alumna, aktibista, dating lider-estudyante, at mananaliksik, habang siya ay nagsasagawa ng field research sa pagsasara ng Central Asukarera De Don Pedro Inc. sa komunidad sa Batangas. Ayon sa 𝗙𝗿𝗲𝗲 𝗞𝗮𝗿𝗹𝗮 𝗠𝗼𝗻𝗴𝗲 𝗡𝗲𝘁𝘄𝗼𝗿𝗸, siya ay kasalukuyang hindi pa rin nakalalaya halos dalawang taon na ang nakalipas. Isa lamang siya sa libu-libong kabataan na naging biktima ng red tagging, iligal na pagkakakulong, at karahasan ng estado. Patunay lamang ito na hindi natapos sa Batas Militar ang kasakiman ng mga Marcos, ngunit dala-dala pa rin ito sa mga sumunod pang mga administrasyon.
Bukod rito, laganap pa rin ang korapsyon at katiwalian sa administrasyon– mga sintomas ng palpak na pamamalakad ng isang anak ng diktador. Noong nakaraang Biyernes, Setyembre 19, lamang ay naglunsad ng walkout sa UPLB kung saan mahigit 7,000 na estudyante, g**o, at mga kawani ang naghayag ng kanilang galit at pagkadismaya sa kasalukuyang administrasyon; kaakibat nito ang pagbatikos sa pagbulsa ng DPWH, pati na rin ang mga kasabwat na kontraktor, ng halos ₱100-B halaga ng pera galing sa taumbayan na para dapat sa pagpapatupad ng flood control projects.
Isa lang ang malinaw dito: Habang patuloy na nananalasa ang mapansamantalang uri, lalo lang din lumalakas ang rumaragasang hanay ng taumbayan at sangkaestudyantehan.
Ngayong ika-53 na anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar, sigaw ng hindi nakalilimot na hanay ng kabataan: 𝗡𝗲𝘃𝗲𝗿 𝗔𝗴𝗮𝗶𝗻 𝘁𝗼 𝗠𝗮𝗿𝘁𝗶𝗮𝗹 𝗟𝗮𝘄! 𝗦𝗶𝗻𝗴𝗶𝗹𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗶𝗻𝘂𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮 𝗱𝘂𝗴𝗼 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗠𝗮𝗿𝗰𝗼𝘀 𝗮𝘁 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲!
Nakikiisa ang GeneSoc sa hanay ng kabataan sa mga panawagang ito. Hinihikayat namin ang mga kabataan na makiisa sa mga kilos protesta laban sa laganap na pangungurakot at katiwalian sa kasalukuyang administrasyon, pati na rin ang pag-aalala sa madilim na kasaysayan sa ilalim ng diktaduryang Marcos.
𝗛𝘂𝘄𝗮𝗴 𝗠𝗮𝘁𝗮𝗸𝗼𝘁, 𝗠𝗮𝗸𝗶𝗯𝗮𝗸𝗮!
𝟬𝟵.𝟮𝟭.𝟮𝟱 (𝗟𝗶𝗻𝗴𝗴𝗼)
𝗕𝗮𝗵𝗮 𝘀𝗮 𝗟𝘂𝗻𝗲𝘁𝗮: 𝗔𝗸𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗻𝗮 𝗟𝗮𝗯𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗞𝗼𝗿𝗮𝗽𝘀𝘆𝗼𝗻
Luneta Park | 9 AM
𝗧𝗿𝗶𝗹𝗹𝗶𝗼𝗻 𝗣𝗲𝘀𝗼 𝗠𝗮𝗿𝗰𝗵
EDSA People Power Monument | 2 PM
Para sa mga nais magpaabot ng tulong para sa paglaya ni Sis Karla, maaaring ikontak ang Free Karla Monge Network.
✊