06/02/2025
FDA Authorizations, Mas Pinasimple at Pinalawig ang Validity
Nagpatupad ang Food and Drug Administration (FDA) ng mga bagong patakaran na naglalayong gawing mas malinaw at epektibo ang mga proseso para sa pagpaparehistro ng health products at licensing ng mga establisimyento. Sa ilalim ng mga bagong Administrative Order (AO) 2024-0015 “Prescribing the Rules, Requirements and Procedures in the Application for License to Operate of Covered Health Product Establishments with the Food and Drug Administration Repealing for the Purpose Administrative Order No. 2020-0017” at AO 2024-0016 “Implementing Guidelines on the New Schedule of Fees and Charges of the Food and Drug Administration”, itinataguyod ang mga pagbabago upang suportahan ang misyon ng FDA na protektahan ang kalusugan ng publiko habang pinapalakas ang sektor ng kalusugan ng bansa.
Inanunsyo ng FDA ang mga pinasimpleng proseso sa pagkuha ng License-To-Operate (LTO) ng mga establisimyento ng produktong pangkalusugan. Nagtataguyod ang bagong polisiya ng mas mahabang bisa ng lisensya na nagbabawas sa dalas ng renewal at nagbibigay ng mas matatag na kondisyon para sa mga negosyo. Kasama sa mga pagbabagong ito ang pre-licensing inspections na nananatiling bukas para sa lahat ng nasasakupang establisimyento upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa pinakamataas na pamantayan ng kaligtasan at kalidad. Naaayon ang mga patakarang ito sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na mapahusay ang sektor ng kalusugan sa pamamagitan ng mga streamlined na proseso ng isang unified licensing.
Kasabay nito, inilunsad din ng FDA ang bagong labas na schedule of fees and charges dahil mas pinahaba ang bisa ng mga lisensiya at registration. Nagbibigay ang bagong sistema ng mas malinaw na gabay para sa lahat ng stakeholders at nag-aalok ng iba't ibang validity periods (maaring umabot hanggang 12 taon mula sa orihinal na 3 hanggang 5 taon lamang) ng Certificate of Product Registration (CPR) na nagbabawas sa regulatory burden. Nagsasagawa rin ang ahensiya ng sabayang system migration para sa mga application na online ang pag-proseso.
Bahagi ng layunin ng FDA ang mga repormang ito na magpatupad ng unified licensing system na nakahanay sa mga internationally accepted standards at lokal na batas na nagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs). Sumasalamin sa dedikasyon ng FDA ang mga pagbabagong ito na magbigay ng mas mabilis at maaasahang serbisyo habang tinitiyak ang kaligtasan at kalidad ng mga produktong pangkalusugan. Sa pamamagitan ng modernisasyon ng regulatory framework, layon ng ahensya na patuloy na suportahan ang paglago ng industriya ng pharmaceuticals, processed foods, cosmetics, at medical devices.