13/02/2014
Ang Huling Kwento
(gamitin at isabuhay ang natutunan)
Minsan sa isang bakuran ay may isang grupo ng mga Pabo na palaging nag-iingay sa tuwing dadaan sa tapat nila ang isang grupo ng mga Agila. Palagi nilang inaasam na makasalamuha at matutunan ang paglipad na gaya ng sa mga Agila.
Isang araw, napansin ng mga Agila ang kanilang pag-iingay at sa unang pagkakataon ang bumaba sila para tanungin ang mga ito. “Mawalang galang na po mga Pabo, bakit ba kayo nag-iingay tuwing dadaan kami sa lugar na ito?” tanong ng pinuno ng mga Agila. “Hinahangaan namin ang paglipad n’yo, nais namin itong matutunan!” nananabik na sagot ng isang Pabo. “Sigurado ba kayo sa gusto n’yong mangyari?” tanong muli ng Agila. “Opo! Gusto talaga naming makalipad kagaya n’yo!” tugon muli ng Pabo. “Kung gayon, magkita tayo bukas ng umaga sa itaas ng bundok, kung makakarating kayo ay tuturuan namin kayong lumipad” paanyaya ng pinunong Agila.
At gayon nga ang ginawa ng mga Pabo, kinabukasan ay sinunod nila ang utos ng mga Agila. Pumunta sila ng mas maaga pa sa inaasahan ng mga Agila. Nang dumating na ang mga Agila ay nagulat sila sa determinasyon ng mga Pabo dahil naunahan pa sila ng mga ito sa pagdating sa takdang oras.
“Magandang umaga mga Pabo! Talaga palang disidido kayong matuto,” masayang bungad ng pinunong Agila. “Opo! At handang handa na kaming matutunan ang paglipad nyo!” tugon ng mga Pabo. “Kung gayon ay simulan na natin ang inyong pagsasanay!” sabi ng Agila.
At sinimulan na nga nila ang mabigat na pagsasanay ng mga Pabo. “Ang una nyong gagawin ay tumalon sa bangin na ito.” utos ng Agila. “Ha??! Tatalon kami sa matarik na bahaging ito??!” gulat na tanong ng mga Pabo. “Oo, gusto nyong makalipad hindi ba? Kailangan nyong gawin ‘yon kung gusto nyo talagang makalipad gaya namin, sapagkat sa ganito kami unang natutong lumipad” paliwanag ng Agila. “Sa unang araw pa lamang, mula ng kami ay isilang, ay inihuhulog na kami ng aming ina mula sa pugad na aming kinamulatan. Doon mapapatunayan kung sino sa amin ang karapat dapat na maging ibong Agila” dagdag pa nito. “Kaya sige na, tama na ang reklamo at simulan na natin ang inyong pagsasanay” hirit ng isa pang Agila. At tumalon na nga ang mga Pabo sa matarik na bangin na kanilang kinatatayuan.
Kinampay nila ng kinampay ang kanilang mga pakpak hanggang sa sila ay makalipad. Hindi rin naman sila pinabayaan ng mga Agila dahil nakaagapay ang mga ito sa kanila habang sila ay bumubulusok paibaba.
Hindi nagtagal ay nagawang makalipad ng mga Pabo at nilakbay nila ang himpapawid kasama ang mga Agila. Masaya silang naglakbay kung saan-saan. Natapos ang maghapon at muli silang bumalik sa bundok na kanilang pinagmulan. “Tapos na ang inyong pagsasanay, maari na tayong maghiwa-hiwalay,” pamamaalam ng pinunong Agila. “Maraming salamat po sa lahat ng naituro nyo!” tugon ng Pabo.
At lumipad na palayo ang mga Agila samantalang nagsimula ng maglakad pababa ng bundok ang mga Pabo. :(