29/04/2020
Ang GS3 Online ang magsisilbing paraan upang makapagpakonsulta at makapag-follow up ang mga pasyente ng Hepatobiliary, Pancreatic, and Hernia Surgery (GS3) ng Philippine General Hospital (PGH) habang sarado ang Outpatient Department (OPD) dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinapatupad ngayon habang laganap pa ang COVID-19. Layunin nitong mapayuhan ang mga pasyente ukol sa kanilang mga karamdaman nang mabawasan ang kanilang paglabas ng bahay at pagpunta sa ospital, lalo na kung hindi naman malubha ang kanilang mga karamdaman.
Gabay sa pagkonsulta sa GS3 Online:
1. Sa ngayon, mga dating pasyente na nagpapatingin sa GS3 OPD at mga naoperahan sa PGH para sa mga karamdaman ng apdo, atay, lapay, at luslos ang maaaring magpakonsulta sa GS3 Online.
2. Maaaring kumonsulta mula Lunes hanggang Biyernes, 8 AM hanggang 5 PM.
3. Upang simulan ang konsultasyon, pindutin ang "Send Message" button sa page at ipadala ang sumusunod na kaalaman:
- Pangalan, edad, at kasarian
- Case number
- Uri ng karamdaman
- Petsa ng operasyon (kung naoperahan na sa PGH)
- Katanungan o problemang nararanasan
4. Maaari ring makipagpanayam sa GS3 Online sa pamamagitan ng SMS text o Viber sa numerong 0915 065 5339. Ipadala rin dito ang mga impormasyon na nakasaad sa itaas.
5. Ang mga kaalaman na ipapamahagi ng mga pasyente sa GS3 Online para sa kanilang pagpapakonsulta ay mananatiling pribado. Ang mga doktor na namamahala sa GS3 Online lamang ang makakakita ng impormasyon na ipapadala rito. Hindi rin pinapahintulutan ang mga doktor at pasyente na gumawa ng kopya o kumuha ng screenshot ng kanilang pakikipagpanayam sa GS3 Online at ibahagi ito sa ibang tao o gamitin sa ibang paraan maliban sa pagkonsulta.
6. Hindi nagsisilbing kapalit o katumbas ng harapang pakikipagpanayam sa doktor ang pagkonsulta sa pamamagitan ng Facebook, Viber, o SMS text. Ang GS3 Online ay nagsisilbing panandaliang paraan lamang upang matugunan ang mga katanungan at pangangailangan ngayong ECQ ng mga pasyenteng hindi malubha ang kalagayan at maaaring mapayuhan nang hindi nakikita at naeeksamin ng doktor. Para sa mga pasyenteng may matinding sintomas o mga pasyenteng malulubha na ang kalagayan, pinapayuhan kayong magpatingin agad sa pinakamalapit na ospital o Emergency Room.
Kung mayroong mga suhestiyon kung paano namin mas mapapadali at mapapabuti ang paghatid ng serbisyo sa aming mga pasyente, maaari itong iparating sa pamamagitan ng pagmensahe sa mga paraang nabanggit sa itaas. Maraming salamat sa pagtangkilik sa GS3 Online.