25/08/2025
Ngayong ika-25 ng Agosto, ating pagdiriwang ang Araw ng mga Bayani. Ang araw na ito ay nag-aalala sa mga katapangan at nasyonalismo na nagbabaga sa puso ng ating mga bayani para ipaglaban ang ating bansa mula sa mga taong nais itong gamitin para sa kanilang pansariling kagustuhan.
Ating binabalikan ang mga bayani na kinilala sa mga librong pangkasaysayan, katulad na lamang nina Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, at Melchora “Tandang Sora” Aquino, ang mga nagsisilbing mukha ng rebolusyon noong panahon ng Espanyol. Sila ang mga nagsisilbing paalala sa atin ng kahalagahan na ipaglaban natin ang bansa, na sa panahon kung kailan gahaman ang karahasan at pagmamaltrato sa mga Pilipino ng mga banyaga, pinili nilang tumayo para isigaw ang hinaing ng kanilang kababayan at ang karapatan ng mga Pilipino sa kanilang sariling bansa.
Ngayon sa makabagong taon, sapagkat nagbabago na ang panahon at gawa, kasabay nito ay ang pag-usbong ng modernong bayani. Ang ating manggagawa na lumalaban ng patas sa araw-araw, kumikita ng sahod na hindi makatarungan sa pawis at dugo na binubuhos nila para sa serbisyong kanilang binibigay upang buhayin hindi lamang ang kanilang pamilya kung hindi pati rin ang ating lipunan. Ngunit kahit nagbabago na ang paraan ng ating paglaban, nabubuhay pa rin ang militanteng gawain na ating patuloy na binubuhay sa panahong ito kung kailan kalat ang korapsyon at panloloko sa atin ng mga opisyal. Ito ay patuloy na ginagawa ng ilan pa sa ating mga modernong bayani, ang mga taong hindi takot tumayo sa harapan ng publiko, isigaw ang hinaing ng mamamayan, at lumaban para sa karapatan ng mga mamamayan na patuloy inaapakan ng mga taong nasa itaas.
Nananawagan ang kabataan, ang mga Iskolar ng Bayan, at ang Konseho ng Narsing na tratuhin nang tama ang ating mga modernong bayani. Kami ay sumisigaw na taasan ang sahod ng mga manggagawa, wakasan ang kontraktwalisasyon, at itigil ang red-tagging!
Ating ipaglaban ang mga manggagawa ng Pilipinas, ang tanging haligi ng ating lipunan. Ngayon na ating ipinagdidiwang ang Araw ng mga Bayani mas palakasin pa natin ang ating hinaing. Magsilbi sanang paalala ang mga dating bayani natin sa mga naidulot ng pagsasalita at pakikipaglaban. Dahil isang malaking krimen ang katahimikan sa panahong napaka-ingay ng kapaligiran.