19/06/2025
𝐓𝐈𝐆𝐍𝐀𝐍: Maria Aurora Community Hospital (MACH), nagsagawa ng Duck,Cover and Hold bilang pakikiisa sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill
Nagsagawa ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ang Maria Aurora Community Hospital (MACH) na may kasamang mga senaryo na maaaring mangyari sa mismong mga pagamutan kapag may kalamidad tulad ng lindol. Sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO), matagumpay na naidaos ang nabanggit na aktibidad ngayong araw, ika-19 ng Hunyo,2025 sa bayan ng Maria Aurora, Aurora.
Bago ang naturang drill ay nagbigay ng oryentasyon noong ika-18 ng Hunyo ang PDRRMO sa pamamagitan ni G.Niel Orson T. Rojo, PDRRMO- LDRRMO II, kung saan ipinaliwanag niya ang mga dapat at hindi dapat gawin tuwing may mga sakuna partikular na ang lindol at mga aksidenteng maaaring mangyari kaakibat nito. Katuwang rin sa aktibidad ang mga kawani mula Bureau of Fire Protection, PNP Municipal Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Maria Aurora .
Sa isinagawang NSED Drill ng pagamutan, ipinakita ang iba't-ibang sitwasyon na maaaring maganap tulad ng sunog, paglalagay ng mga paunang lunas sa mga biktima, search and rescue at pag evacuate sa mga pasyente at kawani .
Ang NSED ay isinasagawa sa pangunguna ng Office of the Civil Defense (OCD) bilang paghahanda ng mga tanggapan,establisimyento at mga paaralan kung magkaroon ng lindol, pagbibigay kaalaman sa publiko at upang maiwasan ang pagdami ng bilang ng mga biktima ng sakuna.