30/12/2025
Salamat, 2025.
Sa halos limang taon ng pagkakatatag ng Milagros Elderly Home Care, marami na kaming pinagdaanan mula sa mga unang hakbang ng aming tahanan, hanggang sa patuloy na paglago at pagdami ng mga lolo at lola na aming inalagaan, at ng mga pamilyang buong pusong nagtiwala sa aming kakayahan at malasakit.
Lubos ang aming pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng aming tahanan: sa mga taong naniwala sa aming adhikain, sa aming pangako ng tapat at makataong caregiving, at sa mga indibidwal at organisasyong patuloy na tumutulong upang mapanatili naming matatag ang operasyon ng Milagros.
Ang taong ito ay puno rin ng mga pagsubok at pagdadalamhati, lalo na sa pagkawala ng ilan naming minamahal na lolo at lola. Sila ay araw-araw naming nakasama, naging bahagi ng aming pamilya, at ng aming mga alaala. Dumating na ang panahon na kinailangan na nilang magpahinga at bumalik sa ating Poong Maykapal. Masakit man ang kanilang pagkawala, ang kanilang mga alaala ay mananatiling buhay sa bawat sulok ng aming tahanan. Nami-miss namin kayo, at kami ay lubos na nagpapasalamat sa pagkakataong kayo ay aming nakapiling at naalagaan.
Sa taong ito rin, maraming hamon ang hinarap ng ating bansa, mga bagyo, lindol, pagbaha, at iba’t ibang pagsubok sa buhay ng marami. Sa kabila nito, ang Milagros ay nanatiling matatag at nakatayo. Lubos ang aming pasasalamat sa Poong Maykapal sapagkat kami ay binalot ng Kanyang pagmamahal at proteksyon, kahit na ang iba ay dumaranas ng matinding kalungkutan. Ito ay paalala na ang tibay ng aming pundasyon ay biyayang dapat ipagpasalamat araw-araw.
Nagpapasalamat din kami sa lahat ng mga aral na aming natutunan ngayong taon Mga aral na patuloy naming ginagamit upang pagbutihin ang aming mga proseso at lalong mapalalim ang aming kaalaman sa elderly care. Isang malaking sorpresa at biyaya para sa amin ang pagkakataong makarating sa Germany at makilala ang iba’t ibang organisasyon na kumilala na ang Milagros ay tumutupad sa international standards ng pangangalaga. Ang mga bagong kaalamang ito ay aming dadalhin at gagamitin sa mga susunod pang taon, sapagkat naniniwala kami na ang bawat nakatatanda ay may kanya-kanyang pangangailangan at nararapat sa angkop at may dignidad na pag-aalaga.
Sa kabila ng lahat ng nangyari sa ating bansa, patuloy pa rin kaming nagpapasalamat sa Iyong walang hanggang pagmamahal, Panginoon. Nawa’y sa mga darating pang panahon ay mas marami pa kaming malampasan, mas tumatag ang aming samahan, at mas mapalawak ang aming kakayahang maglingkod.
Dalangin din namin ang masaganang biyaya para sa aming mga caregivers, partners, at mga organisasyong patuloy na sumusuporta at tumutulong sa amin, nawa’y pagpalain Mo pa sila upang maipagpatuloy nila ang kanilang mabubuting nasimulan.
Maraming salamat, 2025, at sa patuloy na paggabay Mo sa liderato ng Milagros. Hindi madali ang magtayo at magpalakad ng isang tahanang puno ng pangangailangan, ngunit kami ay naniniwala na Ikaw, Panginoon, at si Mama Mary ang patuloy na gumagabay sa amin.
Sa lahat ng ito, kami ay taus-pusong nagpapasalamat. Gabayan Mo po kami sa araw-araw, kami, ang aming mga pamilya, ang mga taong nasa paligid namin, ang lahat ng aming mga lolo at lola, at ang kanilang mga pamilya. Nawa’y patuloy Mo kaming samahan at patatagin sa mga darating pang panahon.
Maraming salamat at pagpalain Mo po kami.