05/04/2020
Ang paggamit sa Deaf community at Filipino Sign Language (FSL) bilang mga paksa ng katatawanan ay imoral, iresponsable, at kahiya-hiya.
Sa gitna ng enhanced community quarantine na ipinatupad ng gobyerno kaugnay ng COVID-19 outbreak sa bansa, nagkalat ang mga post sa social media groups na ginagawang katatawanan ang FSL, ang opisyal na wika ng Filipino Deaf community, partikular ang mga interpreter sa mga programang naghahatid ng balita sa telebisyon. Narito ang ilan sa mga pahayag ng mga naturang netizen:
"Yes to ABS-CBN shutdown mga bobo naglalagay pa ng nagtitiktok sa ilalim"
"Maniniwala na sana ako kaso may nagtitiktok sa gilid."
"Panis kayo sa tv patrol may nagtitiktok sa gilid."
Ang mga "inset" o mga dagdag na video sa gilid o ibaba ng mga programa sa telebisyon tulad ng TV Patrol ay pagtalima sa Republic Act 11106 o Filipino Sign Language Act na naisabatas noong Nobyembre 2018. Ang mga interpreter na nasa inset ay hindi nag-ti-Tik Tok o anumang patok na trend sa social media sa kasalukuyan; sila ay naghahatid ng mga esensyal na balita para sa Filipino Deaf community, lalo na't ngayon na humaharap ang bansa sa isang krisis pangkalusugan.
Lubos na ikinalulungkot ng Konseho ng Mag-aaral ng Kolehiyo ng Edukasyon ang mga aksyon o gawaing isinesentro ang ating mga kapatid na miyembro ng PWD community sa diskriminasyon. Ang mga ganitong klase ng paghahatid ng "kasiyahan" ay hindi lamang lumalabag sa batas, ang mga ito rin ay nagkakaroon ng malaking epekto sa kalusugang sikolohikal at emosyonal ng ating mga kababayan na may karagdagang pangangailangan. Ayon sa Republic Act 7277 na nagsisilbing Magna Carta for Disabled Persons, walang sinumang tao o grupo ang maaring mang-insulto o mangutya sa Persons With Disability, ito man ay pasulat, pasalita, o sa panggagaya ng mga manerismo. Ang sinumang lumabag sa batas ay maaring mapatawan ng parusang pagkakakulong na hindi bababa sa anim na buwan o hindi kaya ay multa na hindi bababa sa PHP 50,000 para sa unang offense.
Hindi na bago ang mga ganitong klase ng iresponsableng gawain sa bansa. Maaalalang noong 2018, mismong si Mocha Uson, kasalukuyang Deputy Director ng Overseas Workers Welfare Association (OWWA) at isang self-proclaimed "boses ng ordinaryong Pilipino", ang ginawang katatawanan ang FSL, kasama ang kanyang kaibigang si Drew Olivar.
Kaugnay ng nasabing isyu, mariin ding kinukundena ng Konseho ang mga indibidwal na ginagawang paksa ng katatawanan ang iba pang mga sektor ng lipunan sa mga online "Bardagulan" group. Sa mga grupong ito sa Facebook ay hindi rin nakaligtas mula sa pang-iinsulto ang mga mahihirap, blue-collar workers, LGBT, at pati na rin ang mga estudyanteng lumalaban para sa karapatan ng mga mamamayan.
Nananatiling hamon sa bawat Pilipino ang pagsasabuhay ng isang tunay na inklusibong bayan—isang bayang ligtas sa anumang uri ng diskriminasyon at/o karahasan. Naniniwala ang Konseho na sa pamamagitan ng walang humpay na pagmumulat sa ating mga kapwa ukol sa mga laban at suliranin ng ating mga kababayan ay maaatim natin ang isang mapagkalingang lipunan.
Huli't huli, pinapaalalahan ng Konseho ang lahat na ang mga aksyong ating gagawin upang malibang ang ating mga sarili, pamilya, at mga kaibigan ay hindi dapat nakakatapak sa mga karapatan at kapakanan ng mga bulnerableng sektor sa ating bansa.
Maging makatao. Magpakatao.
Para sa ating mga kababayang kabilang sa Deaf community, narito ang isang video mula sa CODA (Children Of Deaf Adults) na nagpapaliwanag sa mga termino ukol sa COVID-19 gamit ang Filipino Sign Language: youtu.be/EwmMEI6Dz4w
[Screenshots mula kay Facebook user Aimee Gabrielle]