08/07/2025
Pinatatag na Serbisyo, Protektadong Komunidad
Hulyo 03–04, 2025 | Widus Hotel, Clark, Pampanga
Batch 2
Bilang tugon sa patuloy na hangaring mapabuti ang kalusugan ng bawat Mariveleño, matagumpay na isinagawa ang dalawang araw na pagsasanay para sa mga health service providers sa ilalim ng National Immunization Program (NIP) ng Mariveles Municipal Health Office, na nilahukan ng mga piling kawani mula sa iba’t ibang rural health units ng bayan.
Ang pagsasanay ay nakatuon sa pagpapalalim ng kaalaman at pagpapalawak ng kasanayan ng mga frontliners pagdating sa tamang pamamahala ng mga programang pang-immunisasyon. Tinalakay dito ang mga pangunahing konsepto ng bakuna, mga vaccine-preventable diseases (VPDs), injection safety, cold chain management, surveillance, at ang mahalagang papel ng komunidad sa tagumpay ng mga programang ito.
Kabilang sa mga estratehiyang itinampok ay ang Reaching Every Purok (REP) – isang pamamaraan upang masigurong naaabot ng serbisyo ang mga liblib na lugar at marginalized sectors ng komunidad. Ipinakita rin ang tamang paraan ng pagbabakuna, paghawak ng adverse events following immunization (AEFI), at pamamahala ng medical waste.
Binigyang-diin ng pangunahing tagapagsalita, Gng. Donna Samson-Ronquillo, RN, Provincial NIP Coordinator, ang kahalagahan ng maayos na pagpapatupad ng mga polisiya at teknikal na alituntunin upang masiguro ang kalidad at kaligtasan ng serbisyong ibinibigay sa mga mamamayan. Samantala, nagpaabot naman ng suporta si Gng. Irhene Roman, DMO IV, bilang kinatawan ng PDOHO – Bataan, na nagsilbing gabay sa mga lokal na tagapagserbisyo ng kalusugan.
Bilang pagpapakita ng suporta ng lokal na pamahalaan, dumalo rin sina Vice Mayor Jesse Concepcion at ang Sangguniang Bayan Member on Health, Hon. Ivan Ricafrente, na kapwa nagbigay-inspirasyon at hamon sa mga kalahok na higit pang pag-ibayuhin ang kanilang serbisyo, lalo na’t may malaking papel sila sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at pagbabakuna sa kani-kanilang mga barangay.
Ang pagsasanay ay pinangunahan ni Dr. Gerald B. Sebastian, Municipal Health Officer, katuwang si Dr. Abigail Ramos, NIP Medical Coordinator. Sa kanilang pamumuno, naging sistematiko at makabuluhan ang daloy ng mga aktibidad, kung saan nabigyang pagkakataon ang bawat kalahok na magbahagi ng karanasan, magtanong, at magpalitan ng kaalaman.
Ang matagumpay na aktibidad ay naisakatuparan sa tulong ng Pamahalaang Bayan ng Mariveles, sa pamumuno ni Mayor AJ Concepcion at ng buong Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Jesse Concepcion, bilang patunay ng kanilang patuloy na suporta sa mga inisyatibong pangkalusugan.
Tunay na kapag sama-sama ang bawat sektor mula sa pamahalaan, tagapagserbisyo, at mamamayan mas nagiging matibay ang pundasyon ng isang protektado at malusog na komunidad.