05/08/2025
Ceremonial Turn-Over ng mga Flip Chart para sa Mother's Class: Suporta sa Patuloy na Edukasyong Pangkalusugan sa mga Barangay
Mariveles Municipal Compound
Agosto 04, 2025
Isang makabuluhang hakbang tungo sa mas matibay na kalusugang pangkomunidad ang isinakatuparan, sa pamamagitan ng ceremonial turn-over ng mga flip chart para sa Mother's Class. Ang mga flip chart na ito ay magsisilbing pangunahing kagamitan sa pagbibigay-edukasyon sa mga ina sa bawat barangay, hindi lamang upang maghatid ng impormasyon, kundi upang magsulong ng kamalayang pangkalusugan na may direktang epekto sa buong pamilya.
Ang programa ay pinangunahan ng ating mga Rural Health Physicians sa pangunguna ng ating Municipal Health Officer; Dr. Gerald Sebastian kasama si Hon. Ivan Ricafrente, (SB on Health), at si G. Chuck Concepcion, (Executive Secretary - Vice Mayor's Officer). Tinanggap ito nang may malasakit at layuning makatulong ng mga Barangay Kagawad on Health at mga Rural Health Midwives, na gagamit ng mga ito sa pagbabahagi ng mahahalagang kaalaman sa kalusugan ng ina at bata.
Ang mga flip chart ay nilikha sa pagbuo ng ideya at gabay ni Dr. Jhia Caso - (Maternal and Child Health Medical Coordinator), upang gawing mas visual, interaktibo, at madaling maintindihan ang mga aralin para sa mga ina-mula sa prenatal care at tamang nutrisyon, hanggang sa pangangalaga sa kalinisan, bakuna, at tamang pagpapalaki ng mga bata. Ito ay isang konkretong hakbang upang mailapit ang kalidad na impormasyon sa mga nanay at tagapag-alaga.
At sa kabuuan, may 36 - Barangay Health Stations, 5-Rural Health Units and makikinabang sa kagamitan na ito.
Bukod dito, namahagi rin ng Quad Cane sa mga napiling benepisyaryo na mas higit na nangangailangan ng suporta sa pagkilos at paglalakad. Kasama sa namahagi sina Ma'am Jojie Madahan (Public Health Nurse) at Ma'am Clarence Melad (Registered Physical Therapist).
Ang mga proyektong ito ay inilunsad sa ilalim ng pamumuno ni Mayor AJ Concepcion, katuwang ang buong Pamahalaang Bayan ng Mariveles, at ang Sangguniang Bayan na pinangungunahan ni Vice Mayor Jesse Concepcion. Ipinapakita nito ang buo at matibay na suporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapalawak ng kaalaman at serbisyong pangkalusugan na tunay na nakaangkla sa pangangailangan ng bawat pamilyang Mariveleño.