
07/07/2025
Ang National Integrated Cancer Control Act (NICCA) (R.A. 11215) ay naisabatas taong 2019 sa adhikaing palawigin at pagbutihin ang mga serbisyong may kinalaman sa pag-iwas at pagpigil sa pagkakaroon ng kanser. Inaasahan na ang mga serbisyong ito ay mas abot-kamay at abot-kaya ng mamamayang Pilipino, lalo na ng mas nangangailangan nating mga kababayan.
Sa ilalim ng batas na ito ay ang programa ng CSPMAP o mas kilala bilang Cancer Supportive-Palliative Medicines Access Program. Layunin ng programang ito na makapagbigay ng libreng mga gamot katulad ng chemotherapy at targeted therapy sa walong pangunahing uri ng kanser upang mabawasan ang pasan na gastusin ng isang pasyenteng may kanser at umalalay sa pagpapatuloy nito upang matapos ang gamutan. Sa pamamagitan ng CSPMAP Access sites sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, lahat ng pasyenteng may kanser ay matutulungang maitaguyod at matapos ang kanilang gamutan.
Ang Philippine Society of Medical Oncology (PSMO) ay kabalikat sa pagsulong at pagpapanatili ng programang ito. Angkop sa adbokasiya ng society ang maagang kaalaman tungkol sa pag-iwas at tamang gamutan sa kanser. Ang mga PSMO members sa buong Pilipinas ay katuwang ninyo sa adhikaing ito.
Maaari ninyong mahanap sa https://psmo.org.ph/patients/find-a-doctor/ ang pinakamalapit na medical oncologist sa inyong lugar.