20/08/2025
MAG INGAT SA PARALYTIC SHELLFISH POISONING!
Public Advisory No. 2025-031 | August 20, 2025
Pinapaalalahanan ng Department of Health Eastern Visayas Center for Health Development (DOH EV CHD) ang publiko na maging alerto at mag ingat laban sa Paralytic Shellfish Poisoning (PSP).
Base sa Shellfish Bulletin No. 16, series of 2025 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang Matarinao Bay sa Eastern Samar ay kabilang sa mga karagatang mayroong Paralytic Shellfish Poison (PSP) o toxic red tide.
Ang pagkain ng seafood na kontaminado ng mga lason mula sa Red Tide ay maaaring magdulot ng isang malubhang sakit na Paralytic Shellfish Poisoning (PSP). Ang mga sintomas ng PSP ay maaaring lumitaw sa loob ng ilang minuto hanggang ilang oras matapos ang pagkonsumo ng mga seafood kabilang na ang sumusunod:
• Pangangati at pamamanhid ng mga labi, dila, paligid ng bibig o mukha at
mga dulo ng daliri.
• Pricking sensation o pagkaparalisa ng mga kamay o paa
• Mabilis na tibok ng puso
• Pagkahilo at pananakit ng ulo
• Hirap sa pagsasalita, paglunok o paghinga.
• Maaaring mayroon ding pananakit ng tiyan, pagsusuka, at pagtatae.
• Sa malalang kaso, maaaring magdulot ito ng pagkaparalisa ng kalamnan at kamatayan, kung hindi agad magagamot
Samantala, ang panganib ng Paralytic Shellfish Poisoning (PSP) ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng;
1. Pagiging mapanuri sa kalidad ng isda na binibili sa palengke at sa mga lokal
na naglalako ng isda.
2. Kapag may babala ng shellfish ban sa lugar, iwasang kumain ng shellfish, alamang, at maliliit na isda. Huwag itong ipakain kanino man kabilang na ang mga hayop upang matiyak ang kaligtasan.
3. Kapag may Local Red Tide Warning naman, hugasan nang maigi gamit ang running water, tanggalin ang hasang, at lamang loob ng isda, pusit, alimango, ulo ng hipon, atbp. Siguraduhing lutuin ng mabuti ang mga ito.
4. Magtungo sa pinakamalapit na health center kapag nakaramdam ng alinman sa mga sintomas na nabanggit.
Agad na makipag ugnayan sa DOH Health Emergency Management Bureau (HEMB) at DOH EV CHD para sa alinmang ulat o report patungkol sa mga insidenteng may kinalaman sa shellfish poisoning.
Sa huli, pinapaalalahanan ang lahat na laging basahin at sundin ang mga abiso mula sa BFAR at Department of Health (DOH) upang patuloy na mapangalagaan ang ating kalusugan.