06/06/2016
Kelan mawawala pagdududa mo?kung lahat ng kilala mo SUCCESSFUL na?.
PAGNENEGOSYO
Tayo, bilang mga tao ay natural na negosyante. Gustuhin man natin o hindi, tayo ay tagapagbenta ng mga bagay na may kinalaman sa ating pang-araw araw na buhay. Binebentahan natin ang sino mang tao na nakakasalamuha natin. Kapag ikaw ay nanliligaw, binebenta mo ang iyong sarili sa nililigawan upang mapasagot siya. Kapag ikaw ay may interview sa trabaho, binebenta mo ang iyong kakayahan at propesyonal na karanasan upang matanggap ka sa trabahong inaaplayan. Alam man natin o hindi, tayo ay mga negosyante na may kanya kanyang paraan sa pagbebenta ng mga bagay na mahalaga sa atin at sa ibang tao.
Ngayong alam mo na na ikaw ay isang natural na negosyante, ang kailangan mo nalang ngayon ay mapag-aralan at matutunan kung papaano mo magagamit ng epektibo ang iyong natural na kakayahan sa pagnenegosyo. Ang pinakaunang hakbang sa pagnenegosyo ay ang pagbibigay sa iyong sarili ng matibay na pundasyon tulad ng karunungan. Huwag kang pumasok sa ano mang negosyo ng hindi ka handa. Kung wala pa sa ayos ang iyong sarili, simulan mo na itong ayusin sa pamamagitan ng pagsunod sa mga gabay at payo na ang numero unong dahilan ng pagbagsak ng isang negosyo ay ang kawalan mo ng kaalaman. Bago mo simulan ang iyong negosyo, siguraduhin mo na aaralin mo ito.
Pagkatapos mong maglatag ng pinansiyal na pundasyon para sa iyong negosyo. Gawin mong produktibo ang iyong sarili sa pag-iisip ng mga ideya at mga bagay o serbisyo na maaari mong ibenta sa iba. Tandaan, ang isang matagumpay na negosyo ay nagbibigay ng mga bagay at serbisyo na kailangang kailangan ng iba. Katulad halimbawa ng travel o transportasyon at mga esensyal na bagay na kailangan ng ibang tao upang mabuhay. Maaari mo ring pag-isipan ang mga bagay na gusto ng iba ngunit ito dapat ay may kaukulang halaga o “value” o pangangailangan talaga at kagigiliwan o igagrab ng marami dahil pangangailan ito.
Kapag may naisip kanang ideya o bagay at serbisyo na maaari mong ibahagi sa iba at sa iyong tingin ito ay papatok sa karamihan at sa merkado tulad ng travel, Isulat mo ang ideyang ito sa isang papel upang hindi mo ito makalimutan. Minsan sa dami ng mga ideyang pumapasok sa ating isip nababaon ang mga dakilang ideya na makakapagpabago ng ating buhay. Pagtuunan mo ng malalim na pansin ang naiisip mong ito at pag-aralan mo ang ano mang bagay na nauukol sa ideyang ito.
Ang matagumpay na pagnenegosyo ay nakasalalay sa masinsinang pag-aaral at paghahanda. Hindi ka magtatagumpay sa negosyo kung ikaw ay nagkukulang sa mga mahahalagang aspetong ito. Ang kaalaman sa negosyong pinapasok mo ang magbibigay sa iyo ng talino sa tamang pagdedesisyon sa mga importanteng bagay na may kinalaman sa pagpapatakbo ng iyong negosyo. Ang kahandaan ang magbibigay sa iyo ng kaunlaran sa pagpaplano sa magiging hinaharap ng iyong negosyo. Kaya naman ang dalawang aspetong ito ng pagnenegosyo ay dapat bigyan ng importansya at pagtuunan ng pansin.
Pagkatapos ng iyong pagsasaliksik at paghahanda kasama ng iyong matibay na pundasyon at pagkakaroon ng magandang ideya sa negosyo. Dito ka pa lamang magiging handa sa pagbubukas ng iyong pinto sa napakalaking oportunidad na makapagsilbi sa ibang tao at makatulong sa ano mang bagay na makakatulong sa kanila. Ngunit, ito pa lamang ay simula ng napakahirap ngunit napakarewarding na karera sa pagnenegosyo. Marami kang isasakripisyo. Ang iyong oras, pagtulog o pagkain upang mapagtagumpayan ang iyong karera sa negosyo. Ngunit kung ikaw ay magtatagumpay sa larangang ito, ikaw ay mabibigyan ng napakalaking yaman o reward na kahit sa panaginip ay hindi mo napapanaginipan.
Habang ikaw ay nasa larangan ng pagnenegosyo manatiling kaaya-aya sa iba. Maging palangiti at maging makatao. Suyuin mo ng husto ang lahat ng tao na makakasalamuha mo. Tandaan, ang lahat ng taong makakasalamuha mo sa araw-araw ay iyong mga “customers” na magbibigay tagumpay sa iyong negosyo at sa iyong buhay. Pahalagahan mo sila. Serbisyuhan mo sila ng may buong puso at katapatan. Sa kanila manggagaling ang yaman na iyong inaasam. Nakasalalay ang tagumpay ng iyong negosyo sa tamang pagtrato at pagbibigay ng magandang ugali sa iyong “customers.”
Habang ikaw ay patuloy na nagtatrabaho upang makapagtatag ng isang matagumpay na negosyo, huwag mong kalimutan ang Amang Diyos na nagbibigay sa iyo ng talino, lakas at puso upang magtagumpay. Siya lamang ang makapagbibigay sa atin ng tagumpay. Tumawag sa kanya at manalangin sa araw-araw. Humingi ng gabay at ipanalangin mo ang iyong tagumpay sa iyong negosyo. Ang sabi niya sa atin sa pamamagitan ng kanyang banal na sulat “Maaari mong hilingin sa akin ang ano mang bagay sa aking ngalan, at ito ay aking gagawin.” (John 14:14)
-Tableta ng Karunungan