26/12/2025
NEPPO HEADLINES: 10 NAGDIWANG NG PASKO SA SELDA, BARIL AT DROGA NASAMSAM
December 25-26, 2025
LALAKI, DINAMPOT SA MANHUNT OPS NG PULIS PEÑARANDA
Isang 38-anyos na lalaki ang nadakip ng Peñaranda Police Station matapos ang ikinasang Manhunt Charlie Operation sa isang barangay sa Peñaranda, Nueva Ecija. Ayon sa pulisya, ang suspek ay may kinakaharap na kaso kaugnay ng paglabag sa isang city ordinance, na may kaakibat na warrant of arrest at piyansang itinakda ng korte. Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
30-ANYOS, KALABOSO SA KASONG ESTAFA
Isang 30-anyos na lalaki ang naaresto ng mga operatiba ng Cabanatuan City Police Station sa kanilang manhunt operation sa isang barangay sa Los Baños, Laguna. Ayon sa pulisya, ang suspek ay nahaharap sa dalawang bilang ng Estafa at nadakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte. May itinakdang piyansa na ₱36,000 para sa pansamantalang kalayaan nito. Matapos ang pag-aresto, agad na dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at pagproseso.
MOST WANTED NG BOHOL, ARESTADO SA GAPAN
Arestado ang tinaguriang Top 7 Most Wanted ng lalawigan ng Bohol sa Gapan City sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Gapan City Police Station at Duero Police Station (Bohol PPO). Kinilala ang suspek bilang 48-anyos na lalaki na may warrant of arrest kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Fi****ms and Ammunition Regulation Act. May itinakdang piyansa na ₱100,000 para sa pansamantalang kalayaan nito.
LALAKING MAY WARRANT SA ROBBERY TIMBOG SA GUIMBA
Sa selda nagdiwang ng pasko ang isang 26-anyos na lalaki na nadakip ng Guimba Police Station sa ikinasang manhunt operation sa Barangay Bunol, Guimba. Ayon sa pulisya, ang suspek ay may Warrant of Arrest para sa kasong Robbery with Force upon Things na may itinakdang piyansa na ₱40,000. Maayos namang naipaliwanag sa suspek ang kalikasan ng pag-aresto at kanyang mga karapatang konstitusyonal bago siya dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
LALAKI, TIMBOG SA MALICIOUS MISCHIEF SA JAEN
Isang lalaki ang naaresto ng Jaen MPS sa ikinasang manhunt operation sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Malicious Mischief. Ayon sa ulat, nadakip ang akusado sa Barangay Niyugan, Jaen, Nueva Ecija. May itinakdang piyansa na ₱3,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Jaen MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
ALITAN SA BUROL: LALAKI, NASAKSAK SA NOO; SUSPEK, ARESTADO
Isang 46-anyos na lalaki ang nasugatan sa ulo matapos saksakin ng kapwa residente sa Barangay Ganaderia, Palayan City, habang dumadalo sa burol ng kanilang kamag-anak. Ayon sa ulat, parehong lasing ang suspek at biktima nang magtalo at magka-initan hanggang humantong sa karahasan. Gumamit ng kutsilyo ang suspek at tinamaan ang biktima sa noo. Agad dinala ang biktima sa Palayan City Hospital, at kalaunan ay inilipat sa DR. PJGMRMC Hospital sa Cabanatuan para sa karagdagang gamutan. Ang suspek ay naaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng Palayan Police.
SA BUY-BUST SA QUEZON: 61-ANYOS TIMBOG
Isang 61-anyos na lalaki ang naaresto ng Quezon MPS sa ikinasang Anti-illegal Drug Buy-bust Operation sa Barangay Sta. Clara, Quezon, Nueva Ecija.
Ayon sa ulat, nahuli ang suspek matapos magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang PNP poseur buyer kapalit ng ₱500. Sa isinagawang body search, narekober ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, Isang homemade caliber .38 revolver na may limang bala at isang VIVO cellphone. Isasampa laban sa suspek ang kaso para sa paglabag sa RA 9165 at RA 10591.
2 LALAKI, TIMBOG SA BUY-BUST SA SAN LEONARDO
Dalawang lalaki, edad 48 at 33, ang naaresto ng San Leonardo PNP sa ikinasang Anti-illegal Drugs Buy-bust Operation sa Barangay Diversion, San Leonardo. Ayon sa pulisya, nahuli ang mga suspek matapos makabili ang PNP poseur buyer ng hinihinalang shabu. Sa isinagawang pag-aresto, nakumpiska ang kabuuang 4.9 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang ₱33,320, pati na ang isang caliber .38 revolver na walang serial number at tatlong bala. Ang lahat ng ebidensya ay maayos na naitala at nakumpiska, habang ang dalawang suspek ay dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
61-ANYOS, TIMBOG SA FRUSTRATED HOMICIDE SA SAN JOSE CITY
Isang 61-anyos na lalaki ang naaresto ng San Jose City Police Station sa isang police operation sa Barangay Sto. Niño 3rd, San Jose City. Ayon sa ulat, ang suspek ay nahaharap sa kasong Frustrated Homicide at naaresto sa bisa ng warrant of arrest na may itinakdang piyansa na ₱24,000 para sa pansamantalang kalayaan.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.