02/06/2025
Pahayag ng PSMID tungkol sa Sitwasyon ng Mpox sa Pilipinas
Hunyo 2, 2025
Mula nang maiulat ang unang kaso ng mpox sa Pilipinas noong Hulyo 2022, mas marami pang kaso ng mpox ang naitala sa ilang rehiyon ng bansa. Kinumpirma ng DOH na ang lahat ng kaso ng mpox sa bansa ay kabilang sa Clade 2. Sa ngayon, wala pang kaso ng Clade 1bโang mas bagong uri ng mpox na sangkot sa outbreak noong 2024 sa Democratic Republic of Congo (DRC)โang naitala sa Pilipinas.
Ang pangunahing paraan ng pagkalat ng mpox ay sa pamamagitan ng matagalang skin-to-skin contact sa mga taong may impeksiyon ng virus. Kabilang dito ang malalapit na ugnayan gaya ng halikan, sexual contact, at pagyayakap sa mga intimate partner at kasambahay. Maari ring kumalat ang mpox sa pamamagitan ng respiratory droplets mula sa taong may sakit. Maaari rin itong maipasa sa pamamagitan ng paghawak sa mga bagay na nadikit sa mpox lesions, tulad ng tuwalya o kumot.
Hindi napapatunayan na naipapasa ang mpox sa hanginโhalimbawa, sa pamamagitan ng paglipad nito sa hangin mula sa isang kwarto patungo sa iba pa, sa mga palengke, opisina, o kahit sa loob ng eroplano. Kaya, hindi kinakailangan ang sapilitang pagsusuot ng mask sa mga lugar na ito o sa mas malawak na komunidad. Hindi ito epektibong paraan sa gastos at hindi rin nito mapipigilan ang pagkalat ng mpox.
Ang mga taong may pantal sa balat ay kailangang kumonsulta sa mga healthcare worker para sa tamang pagsusuri. Maaaring makumpirma ang mpox sa pamamagitan ng PCR test mula sa sample ng pantal.
Dahil nakakahawa ang mpox, ang mga may pantal ay dapat umiwas sa pagpapahawa sa iba sa pamamagitan ng pagtatakip ng mga sugat gamit ang malinis na gasa, pag-iwas sa direktang skin-to-skin contact, at hindi pagpapahiram ng personal na gamit sa iba habang may pantal pa. Dapat din silang kumonsulta agad sa healthcare workers para sa wastong pagsusuri at pamamahala. Inirerekomendang manatili sila sa isang hiwalay na silid habang nagpapagaling.
Wala pang aprubadong antiviral na gamot para sa mpox. Gayunman, karamihan sa mga may mpox ay gumagaling kahit walang antiviral na gamot. Ang ilang pasyente, lalo na yung may ibang sakit tulad ng hindi kontrolado o hindi nagagamot na HIV o cancer, ay maaaring magkaroon ng mas malalalang sugat sa balat at mangailangan ng pagpapagamot sa ospital.
Mayroon nang bakuna laban sa mpox, pero limitado pa ang suplay nito sa buong mundo.
Maaaring maiwasan at maagang matukoy ang mpox. Hinihikayat ang lahat na maging maalam at magbasa o makinig lamang sa mga mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa WHO, DOH, at mga samahang medikal.