Brgy. Kaparangan BHERT

Brgy. Kaparangan BHERT Barangay Health Emergency Response Team

20/06/2025
20/06/2025

TINGNAN: Sa isinagawang malawakang Operation Timbang (OPT) Plus sa buong lalawigan ng Bataan, isang magandang resulta ang aming ibinabalita matapos makapagtala ang lahat ng munisipalidad at lungsod dito sa Bataan ng mababang bilang ng mga batang malnourished. Ito ay mula sa resulta ng 76,679 na mga batang 0-59 months na natimbang noong buwan ng Enero hanggang Marso o 85.4% ng estimated na bilang ng mga batang 0-59 months dito sa buong lalawigan.

Sa kabuuan, 2.07% lamang o 1,593 ang bilang ng mga batang underweight at severe underweight o 'yong mga may mabababang timbang na hindi naaayon sa kanilang edad at taas.

Gayundin, bumaba ang bilang ng mga batang stunted and severe stunted o mga bansot sa lahat ng munisipalidad at lungsod dito sa Bataan, kung saan 3.2% na lamang o 2,449 ang bilang ng mga bansot mula sa kabuuang bilang ng batang natimbang sa lalawigan.

Habang 1.54% na lamang o 1,176 ang naitalang bilang ng mga batang moderate wasted and severe wasted o mga payat at sakitin. Samantala, 2.48% naman o 1,896 ang bilang ng mga batang overweight and obese o mga batang sobra sa wastong timbang.

Ang mga resultang ito ang makapagsasabing epektibo ang mga programang pang-nutrisyon at mga inisyatibong isinasagawa dito sa Lalawigan ng Bataan. Isang magandang epekto ng pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan, sa pamumuno ni Gov. Joet Garcia, Bataan Provincial Health Office, sa pangunguna ni Dr. Rosanna M. Buccahan, mga ahensyang miyembro ng Provincial/Municipal/Barangay Nutrition Committe, at mga healthcare workers lalo na ang mga Barangay Nutrition Scholars (BNS).

Patuloy po nating ipamamalas ang dedikasyon para sa pagtataguyod ng tama at sapat na nutrisyon para sa lahat; at tuluyang wakasan ang malnutrisyon. Sama-sama tayo sa pagkamit ng isang malusog na komunidad para sa mas matatag na pamilyang Bataeño.


20/06/2025

PABATID: Sa kabila ng kumakalat na mga impormasyon tungkol sa rabies, nais ipabatid ng Bataan Provincial Health Office ang mga DOH-accredited Animal Bite Treatment Centers dito sa lalawigan ng Bataan:

Jose C. Payumo Jr. Memorial Hospital - San Ramon, Dinalupihan

Dinalupihan RHU III - Old San Jose, Dinalupihan

Hermosa RHU - Palihan, Hermosa

Orani District Hospital - Maria fe, Orani

Bataan General Hospital and Medical Center - Tenejero, Balanga City

Balanga City Health Center I - San Jose, Balanga City

Orion RHU - Wawa, Orion

Limay RHU - Townsite, Limay

Mariveles RHU I - Poblacion, Mariveles

Ayon sa datos, ang karaniwang pinagmumulan ng human rabies death ay kagat mula sa a*o. Dahil dito, ipinapayo ng Bataan PHO ang responsableng pangangalaga ng a*o at pusa. Ito pa rin ang pinakamabisang paraan upang masiguro na ang inyong mga alagang hayop ay hindi nagdadala ng rabies virus (lyssavirus).

Bukod sa a*o't pusa, ang rabies ay maaari ring magmula sa paniki, unggoy, at tao; maaari itong maipasa sa pamamagitan ng kagat, kalmot, o pagdila sa sugat; organ transplant mula sa taong namatay sa rabies; paglanghap ng maruming hangin mula sa tinitirahan ng apektadong paniki; at pagkain ng hilaw na karne ng hayop na may rabies.

Tandaan, ang rabies ay maaaring maagapan kung makukumpleto ang bakuna laban dito, ngunit kung hindi maaagapan ay tiyak na mauuwi sa kamatayan sa oras na lumabas na ang sintomas.

Maging responsable, pabakunahan ang inyong mga alagang hayop upang rabies ay maiwasan. Sama-sama tayo sa pagkamit ng isang ligtas na komunidad na puno ng responsable at matatag na pamilyang Bataeño.


30/05/2025

ALAM NIYO BA?
Ang thyroid ay isang glandula sa ating katawan na matatagpuan sa harapang bahagi ng ating leeg. Ito ang responsable sa pagbuo ng thyroid hormones na siya namang tumutulong sa atin na gumamit ng enerhiya mula sa mga pagkaing ating kinakain; mapanatili ang tamang init o temperatura ng ating katawan; at tumutulong sa ilang bahagi ng ating katawan na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin.

Kung kaya't ngayong World Thyroid Day, kinikilala ng Bataan Provincial Health Office ang importansya ng glandulang ito at ipinapaalala sa lahat na pahalagahan at alagaan ito sa pamamagitan ng:

-Pagsunod sa '10 Kumainments' at pagkain ng masusustansyang pagkain base sa rekomendasyon ng 'Pinggang Pinoy' at alinsunod sa ASIN Law o RA 8172 (Act of Salt Iodization Nationwide), isang batas na istriktong ipinatutupad sa Lalawigan ng Bataan upang masigurong may iodine na makukuha sa mga pagkaing may asin na makatutulong naman sa pagbuo ng thyroid hormones;

-Palaging mag-ehersisyo;

-Huwag manigarilyo o gumamit v**e, at iwasan din ang pag-inom ng alak.

Ipinapayo rin na magtungo sa pinakamalapit na health center o primary care facility sa inyong lugar upang magkaroon ng pagkakataong masuri ng eksperto ang inyong thyroid gland. Tandaan, ang maagang pagtuklas ay makatutulong upang maagang maagapan at magamot ang sakit.

Sama-sama tayo sa pagkamit ng isang malusog na komunidad para sa matatag na pamilyang
Bataeño.


30/05/2025

ALAM NIYO BA?
Isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng tao sa buong mundo ay ang aksidente sa kalsada. Kaya't ngayong Road Safety Month, ipinapaalala ng Bataan Provincial Health Office na dagdag ingat sa lahat ng oras; maging responsableng Bataeño at sundin ang mga sumusunod:
-Sa pagtawid, tingnan ang magkabilang direksyon at tumawid lamang sa tamang tawiran

-Maglakad sa sidewalks at tingnan ang daanang nilalakaran

-Kung magbibisikleta, gamitin ang nakalaang daan para sa mga bisikleta at maging alerto

-Kung magmamaneho ng de-motor na sasakyan, laging isaalang-alang ang kondisyon ng inyong
sasakyan;

-Bago magmaneho ay i-check ang preno, ilaw, langis, tubig, baterya, gulong, gas, at makina ng
sasakyan

-Magmaneho lamang kung ikaw ay nakapasa sa paper and practical exam ng LTO at mayroon nang lisensya para magmaneho

-Sundin ang mga batas trapiko

-Huwag magmaneho ng nakainom at huwag gumamit ng kahit anong mobile device habang nagmamaneho.

Tandaan, lahat tayo ay mayroong karapatang gumamit ng mga pampublikong daan, maging responsable sa paggamit ng mga kalsada upang maiwasan ang aksidenteng magaring magdulot ng pagkakulong, malubhang kalagayang medikal, o pagkamatay.

Sama-sama tayo sa pagkamit ng isang lalawigang mayroong ligtas na mga kalsada para sa matatag
na pamilyang Bataeño.


30/05/2025

ALAM NIYO BA?
Hindi pa rin nawawala ang banta ng tigdas sa mga chikiting. Ngayong napapanahon ang sakit na ito, muling ipinapaalala ng Bataan Provincial Health Office na kumpletuhin ang bakuna ng inyong mga anak kontra tigdas, dahil ang bakuna pa rin ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkakaroon nito.

Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit na maaaring maipasa sa pamamagitan ng paglanghap ng hanging may dala ng virus na ito. Tandaan, ito ay hindi lang simpleng sakit dahil maaari rin itong mauwi sa kamatayan kung hindi mabibigyang pansin.

Gawing protektado at bibo ang inyong mga anak. Tanggalin ang inyong alalahanin, magtungo sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar upang malaman ang schedule ng pagbabakuna, ito ay ligtas, mabisa, at libre. Gawing fully-immunized child ang inyong mga anak, dahil ang batang bakunado, bibo.

Sama-sama tayo sa pagkamit ng isang malusog at protektadong komunidad para sa mas matatag na pamilyang Bataeño.


30/05/2025

MULING PAALALA: Dahil sa pagbuhos ng ulan nitong mga nagdaang gabi, muling ipinapaalala ng Bataan Provincial Health Office na ugaliin ang pagsasagawa ng 'search and destroy'.

Sa kasalukuyan ay nananatili pa ring mataas ang bilang ng ka*o ng mga nagkakasakit ng dengue dito sa Central Luzon. Tandaan, hanggat mayroong mga lugar malapit sa mga kabahayan na maaaring pamugaran ng lamok ay patuloy pa ring magkakaroon ng ka*o ng dengue; kung kaya't hinihikayat ng PHO ang lahat na ugaliing suyurin at sirain ang mga pinamumugaran at pinangingitlugan ng mga ito. Protektahan ang sarili, magsuot ng mahahabang damit at gumamit ng mosquito repellent lotion.

Panatilihin ang kalinisan sa loob at labas ng inyong mga tahanan. Sama-sama tayo sa pagkamit ng masayang summer ng matatag na pamilyang Bataeño.


30/05/2025

ALAM NIYO BA?
Ang head and neck cancer ay tumutukoy sa cancer na namuo sa anumang bahagi ng ulo at leeg:
-Tenga
-Ilong, sinus, likod ng ilong
-Tonsil, lalamunan
-Gawaan ng laway
-Leeg, thyroid/goiter
-Kulani
-Balat
Dahil dito, ang head and neck cancer ang pag-apat (4th) na may pinakamaraming ka*o ng cancer sa Pilipinas.

Kung kaya't ngayong 'Head and Neck Consciousness Week', ipinapaalala ng Bataan Provincial Health Office na bigyang pansin ang anumang hindi normal na nararamdaman sa alinman sa mga nabanggit na bahagi ng ulo at leeg. Magtungo agad sa pinakamalapit na health center para malaman kung ano ang mga dapat gawin at agad itong mabigyan ng medikal na atensyon. Tandaan, madaling maiiwasan ang pagkalat at paglala ng cancer kung ito'y agad masusuri.

Importante rin na iwasan ang mga bisyo katulad ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, at paggamit ng v**e, dahil isa ito sa mga dahilan bakit nabubuo ang cancer sa katawan.

Ugaliin ang malusog na pamumuhay. Kumain lamang ng sapat at masusustansyang pagkain alinsunod sa Pinggang Pinoy at 10 Kumainments. Sanayin ang madalas na pag-eehersisyo at paggalaw ng katawan. Makilahok sa mga aktibidad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan gaya na lamang ng Hataw Takbo Bataan. Sama-sama tayo sa pagsulong ng 'healthy lifestyle' para sa matatag na pamilyang Bataeño.


30/05/2025

ALAM NIYO BA?
Ang sakit na malaria ay dulot ng parasitikong naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na Anopheles. Ito ay nagagamot, ngunit kapag hindi agad nabigyang pansin ay maaaring mauwi sa kamatayan.

Ang mga pangunahing sintomas nito ay lagnat, pagsakit ng ulo o katawan, at pagkaginaw, na aabot ng hanggang dalawang linggo.

Noong taong 2017, ang Lalawigan ng Bataan ang kaunaunahang lalawigang naideklarang 'Malaria-Free' sa buong Central Luzon, at sa kasalukuyan ay nananatili pa ring walang naitatalang indigenous na ka*o ng malaria. Ilan sa mga inisyatibong ating ginawa ay ang:
1. Aktibong Case Finding upang makapagbigay ng agarang gamot
2. Pamimigay ng kulambo na mayroong insecticides (Long Lasting Impregnated Nets)
3. Palagiang 'stream clearing'
4. Health Lectures

Ang mga ito ay patuloy nating isinasagawa dahil anumang oras ay maaari pa ring magkaroon ng ka*o ng malaria kung ang isang taong galing sa lugar na mayroong malaria ay makapag-uuwi ng parasitikong Plasmodium.

Kadalasan, ang mga infected na lamok ay matatagpuan sa mga malililim at masusukal na parte ng umaagos na tubig gaya ng ilog, irigasyon, at iba pang liblib at madadamong lugar; ang mga ito ay kadalasang umaatake mula alas 10 ng gabi hanggang alas 4 ng umaga.

Ngayong World Malaria Day, ipinapaalala ng Bataan Provincial Health Office na palaging maging maingat, protektahan ang sarili laban sa kagat ng lamok:
-Magsuot ng mahahabang damit
-Gumamit ng kulambo at insect repellant tuwing tutungo sa lugar na may mga naitalang ka*o ng malaria.
-Sakaling makaranas ng mga sintomas na nabanggit sa loob ng dalawang linggo, magtungo agad sa pinakamalapit na health center.

Tandaan, kung patuloy tayong mag-iingat, patuloy din na walang maitatalang ka*o ng sakit na malaria. Sama-sama tayo sa pagkamit ng isang malaria-free na komunidad para sa matatag na pamilyang Bataeño.


30/05/2025

ALAM NIYO BA?
Sa loob ng limang (5) dekada nang pagbabakuna, napatunayan na ang pagiging ligtas at epektibo ng mga bakuna para sa mga sanggol, kabataan, buntis, o matatanda.

Ang mga ito ay may malaking ambag sa pagpapahaba ng buhay ng isang tao dahil may mga sakit na sanhi ng kamatayan na maaaring maiwasan gamit ang mga bakunang ito; ilan na rito ay ang measles, polio, cervical cancer, tetanus, diphtheria, hepatitis, tuberculosis, pneumonia, at iba pa.

Bilang parte ng malusog na pamumuhay, nagbibigay din ito ng dagdag na kaligtasan sa buong pamilya habang pumapa*ok sa eskuwelahan o trabaho.

Kung kaya't ngayong World Immunization Week, hinihikayat ng Bataan Provincial Health Office ang lahat ng mga magulang na gawing bahagi ng pamumuhay ng inyong anak ang pagkumpleto sa routine vaccines na nakalaan para sa mga sanggol at kabataan; hinihikayat din ang mga buntis na huwag kaligtaan ang mga bakunang dapat makuha para sa kaligtasan ninyo ni baby habang nagbubuntis pati na sa oras ng panganganak; gayundin sa mga matatanda na kunin ang pagkakataong makatanggap ng bakuna laban sa pneumonia at influenza.

Magtungo lamang sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar. Tandaan, ang mga bakunang magliligtas sainyo ay subok na, ligtas, epektibo, at libre. Kung inyo namang inaalala ang mga posibleng side effects nito gaya ng kirot sa parteng binakunahan at lagnat, ito po ay normal at madaling maaagapan kasama ang obserbasyon.

Sama-sama tayo sa pagkamit ng isang lalawigan kung saan ang bawat Bataeño ay protektado, bakunado; at maipakita sa buong mundo na ang bakuna para sa lahat ay posibleng makamit sa pagtutulungan at sa kagustuhang walang bata, buntis, o matanda ang maiiwang hindi bakunado.


30/05/2025

ALAM NIYO BA?
Ang hemophilia ay isang sakit sa dugo, kung saan kulang sa kakayahang mag-ampat ng pagdurugo ang katawan.

Ito ay dahil sa kakaunti lamang o walang nabubuong factor VIII o factor IX protein sa katawan (tumutulong sa pagpapalapot ng dugo), na dulot ng isang mutation sa genes ng taong may hemophilia.

Ang sakit na ito ay kadalasang namamana mula sa mga magulang, ngunit may mga bihirang pagkakataong magkaroon nito ang isang indibidwal nang hindi minana, tinatawag itong acquired hemophilia, kung saan inaatake ng immune system ang mga clotting factors ng katawan.

Ngayong buwan ng National Hemophilia Awareness, ating alamin ang mga pangkaraniwamg sintomas ng naturang sakit:
1. Matinding pagdurugo tuwing nagkakasugat
2. Hindi maipaliwanag na mga bukol o hematoma
3. Pagdurugo ng ilong o gilagid
4. Hindi normal na pagdurugo sa tuwing matuturukan ng heringgilya
5. Pagkakaroon ng dugo sa dumi o ihi

Kung mayroon kayong nararanasan alinman sa mga nabanggit na sintomas, magtungo sa pinakamalapit na health center para sa atensyong medikal.

Sama-sama tayo sa pagkamit ng isang malusog na komunidad para sa mas matatag na pamilyang Bataeño.


30/05/2025

MAGING ALERTO NGAYONG BAKASYON!
Dagdag ingat upang maiwasan ang mga karaniwang sakit ngayong tag-init gaya na lamang ng:

Heat Stroke - na nangyayari dahil sa init ng panahon na sinabayan pa ng kawalan ng kakayahan ng ating katawan na kontrolin ang sobrang pagtaas ng temperatura nito. Maaaring makaranas ng matinding pagkahilo, lagnat, pangangalay, mainit at namumulang balat, at pagkawala ng malay, pagkalito, o deliryo.

Diarrhea - ang pagtatae na dulot ng iba't-ibang bacteria gaya na lamang ng E. coli at salmonella na maaaring maging sanhi rin ng mas malubhang sakit sa tyan. Ngayong tag-init, mas mabilis at mas madali ang pagdami ng bacteria sa mga pagkain at tubig kung hindi wasto ang pagkaluto at pagiimbak nito.

Sakit sa Balat - na maaaring dulot ng iba't-ibang salik gaya na lamang ng UV rays mula sa araw kung saan ang inyong balat ay maaaring mamula at makaranas ng hapdi (sunburn); iritasyon dulot ng pawis, init, at alikabok kung saan ang inyong balat naman ay maaaring makaranas ng pangangati at pagkakaroon ng mga pantal (bungang araw); at virus na maaaring makuha sa infected na paliguan gaya ng swimming pool.

Ipinapaalala ng Bataan Provincial Health Office na gumamit ng proteksyon sa UV rays gaya ng payong at sombrero, uminom ng 8-10 ba*o ng malinis na tubig, magsuot ng maluwag at preskong damit, at iwasang maglagi nang matagal sa gitna ng tirik na araw.

Sanayin din ang regular na pagligo at paghihilamos gamit ang malinis na tubig at banayad na sabon. Kung maliligo naman sa mga pampublikong paliguan, siguraduhing makapagbanlaw ng katawan gamit pa rin ang malinis na tubig at sabon.

Tiyakin ding malinis at maayos ang pagkakaluto ng inyong mga kakainin. Huwag patagalin ang mga pagkain ngayong tag-init upang maiwasan ang pagkapanis ng mga ito.

Sama-sama tayo sa pagkamit ng ligtas na summer ng alerto at matatag na pamilyang Bataeño.


Address

Kaparangan, Bataan
Orani
2112

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Brgy. Kaparangan BHERT posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Practice

Send a message to Brgy. Kaparangan BHERT:

Share