25/02/2026
Ex-sundalo, kinumpirma ang umano’y pag-deliver ng maleta ng pera kina Martin Romualdez at PBBM
Kinumpirma ng labingwalong dating sundalo ang naunang akusasyon ni dating Marine na si Orly Guteza hinggil sa umano’y pagdadala ng malalaking halaga ng pera sa pamamagitan ng mga maleta para kay Leyte Rep. at dating House Speaker na si Martin Romualdez. Ayon kay Atty. Virgilio Baligod, isinagawa umano ang mga delivery bilang bahagi ng kickback mula sa flood control projects.
Sa isang press conference na ginanap sa Club Filipino sa San Juan, ibinahagi ni Baligod na ilang beses umanong naghatid ng mga maleta ng pera ang mga sundalo, na tinatayang aabot sa P805 bilyon ang kabuuang halaga. Sinabi rin niya na ang mga naturang maleta ay inihatid umano sa iba’t ibang lokasyon, kabilang ang Forbes Park at Paoay, at iniugnay ang mga ito kina Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Naglabas din si Baligod ng mga larawan na umano’y nagpapakita ng mga maletang ginamit sa pagdadala ng pera. Dagdag pa niya, ginamit din umano ang eroplano ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa paghahatid ng pera sa iba’t ibang pulitiko. Nauna nang sinabi ni Guteza na personal siyang nagdala ng 46 maleta ng pera kina Romualdez at Co.
Iginiit ni Baligod na naniniwala siya na si Marcos ang nasa likod ng umano’y anomalya, habang binanggit din niya na may natanggap silang impormasyon na si Guteza ay umalis na ng bansa. “Marami po kaming nasasagap na balita na pinapunta po siya sa ibang bansa,” ayon kay Baligod.
Subalit mariing pinabulaanan ng Malacañang Palace ang mga akusasyon, at iginiit na walang katotohanan ang mga paratang at nananatiling walang sapat na ebidensya upang patunayan ang mga alegasyon laban sa Pangulo at iba pang opisyal.