14/02/2025
Cervical Cancer: Mga Sintomas, Salik na Panganib, at Pag-Iwas o Prebensyon
Cervical Cancer
Di mo Decerv❣️
Isinulat ng MSD in the Philippines
Ang cervical cancer ay nabubuo sa ibabaw ng cervix kapag ang normal na mga selula ay nagiging precancerous o abnormal. Ang pagbabagong ito ay kadalasang dulot ng impeksyon mula sa human papillomavirus (HPV), isang virus na naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Ang cervical cancer ang pangalawa sa pinakakaraniwang uri ng kanser at ikalawang pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga kababaihan sa edad na 15 hanggang 44 taong gulang sa buong mundo. Sa Pilipinas, ito rin ang pangalawa sa pinakakaraniwang uri ng kanser sa kababaihan, kung saan humigit-kumulang 7,897 ang nada-diagnose bawat taon. Sa kasamaang-palad, 4,052 ang namamatay dahil dito taun-taon, ayon sa 2023 fact sheet ng HPV Information Centre.
Kahit na nakamamatay ang cervical cancer, pwede pa rin namang bawasan ang iyong tsansa na makuha ito. Ito ay sa pamamagitan ng pagiging maagap—regular na sumailalim sa mga screening tulad ng Pap smear at protektahan ang sarili gamit ang HPV vaccine.
Ano Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Cervical Cancer?
Ang matagalang impeksyon mula sa mga high-risk na uri ng HPV ang pangunahing sanhi ng halos lahat ng cervical cancer. HPV 16 at HPV 18—aalawang high-risk na uri ng HPV—ang sanhi ng 70% ng cervical cancer sa buong mundo.
Kadalasan, ang cervical cancer ay nagsisimula sa dalawang uri ng selula: squamous cells, na bumubuo sa panlabas na bahagi ng cervix, na nagreresulta sa squamous cell carcinoma, o glandular cells sa loob ng cervix, na nagdudulot ng adenocarcinoma. May mga pagkakataong pareho o wala sa dalawang uri ng selula ang apektado.
Ano Ang Mga Sintomas ng Cervical Cancer?
Karaniwang walang palatandaan ang cervical cancer hangga’t hindi ito kumakalat, kaya mahalaga ang regular na screening at pagbabakuna laban sa HPV. Narito ang ilan lamang sa mga karaniwang sintomas:
Hindi pangkaraniwang pagdurugo mula sa ari
Mabaho at madugong discharge
Spotting sa pagitan ng regla
Pananakit sa likod at/o balakang
Sakit at pagdurugo tuwing nakikipagtalik
Kung nakakaranas ka ng alinman sa mga sintomas na ito, agad na kumonsulta sa doktor.
Ano Ang Risk Factors ng Cervical Cancer?
Madalasan at hindi protektadong pakikipagtalik sa iba’t ibang partner ay isa sa pangkaraniwang sanhi o risk factor ng HPV at cervical cancer. Narito ang iba pang risk factors:
Impeksyon mula sa iba pang sexually transmitted diseases
Maagang pagsisimula ng pakikipagtalik
Pangmatagalang paggamit ng oral contraceptives (5+ taon)
Edad (mas mababa ang tsansa na makuha ito ng mga mas batang babae)
Pagkakaroon ng kondisyon na nagpapahina ng immune system
Paninigarilyo
Obesity
Paano Ko Maiiwasan ang Cervical Cancer?
Ang cervical cancer ay maaaring maiwasan at magamot kung maagang nada-diagnose. Ito ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng HPV vaccination, regular na screening, at maagap na paggamot sa mga natuklasang abnormalidad.
HPV Vaccination
Ang bakunang HPV ay ligtas at epektibong paraan upang maiwasan ang cervical cancer. Sumangguni sa inyong healthcare provider kung gusto mo magpabakuna. Paalala din na hindi ginagamot ng HPV vaccine ang eksistidong impeksyon ng HPV.
Kailan Dapat Magpabakuna
Ang bakuna ay pinakamainam na ibigay bago magsimula ang isang tao sa pakikipagtalik. Inirerekomenda ng CDC ang pagbabakuna para sa mga batang lalaki at babae sa edad 11 o 12, at maaaring simulan mula edad 9. Para sa mga hindi nakapagpabakuna, maaari pa ring magpabakuna hanggang edad 26. Ang mga nasa pagitan ng edad 27 at 45 ay maaaring magpabakuna base sa rekomendasyon ng doktor.
Screening para sa Cervical Cancer
Bagaman nagbibigay ng malaking proteksyon ang HPV vaccination, hindi nito saklaw lahat ng uri ng HPV na nagdudulot ng cervical cancer. Mahalaga ang regular na screening tulad ng:
HPV test – Natutukoy ang high-risk na impeksyon sa HPV.
Pap smear – Nadidiskubre ang abnormal na pagbabago sa mga selula ng cervix.
Maaari ding sumangguni sa inyong mga healthcare provider para sa iba pang screening options.
Ang screening ay dapat magsimula sa may 20 taong gulang pataas, at magkaroon ng mga follow-up para masigurong maagapan ang anumang abnormalidad. Subalit maaaring magkaroon ng pagsubok dahil sa kakulangan sa healthcare access; may mga populasyong maaaring hindi makapag-screening at follow-up kaya mas tumataas ang kanilang risk.
Paggamit ng Condom at Pag-iwas sa HPV
Ang paggamit ng condom sa pakikipagtalik ay makakatulong na makabawas sa risk ng sexually transmitted infections, kabilang na ang HPV. Ngunit hindi nito ikaw lubos na mapoprotektahan. Maaari pa ding makuha ang HPV infection sa pamamagitan ng skin-to-skin contact sa iba pang mga bahagi ng katawang hindi natatakpan ng condom.