16/06/2024
Matikas ang kanyang tindig
Masisindak sa kanyang titig
Ngunit bukas ang kanyang mga bisig
Lalo't ika'y nasaktan at umibig
Simula pasukin ang pagpapamilya
Naging handa sa batang pilyo o pilya
Disiplinang kanya-kanyang paraan
Sa kanyang anak handang ilalaan
Iba't-ibang trabahong nakalaan,
Handang pasukin may maluto lang sa kalan
Walang sikmurang kumakalam
Handang kainin ano pa mang ulam
Taga kumpuni sa buong bahay
Handang hanapin ano mang bagay
Desididong kanyang pag-aralan
Ginhawa sa pamilya gustong nilalaan
Pag pamilya'y nakaramdam ng takot
Buong bahay handa niyang maikot
Puso ng pamilya ay mapapanatag
Kung siya'y higit na magiging matatag
Minsan lungkot at takot di nya mapakita
Lalo na kung kulang ang kanyang kinikita
Ginhawang handang maibigay sa pamilya
Ano mang trahedya ay kanyang makakaya
Marahil misan may patak ng kanyang mga luha
Manggaling man ito sa lungkot o tuwa
Di ito nasasaksihan ng karamihan
Pagkat-inuuna nya ang ating pagtahan
Simula pa ng ating pagkabata
Habang kalaro ang ating mga kababata
Handa na sinuman ay ating makalaro
Kahit mahamig pa ang ating pangbato
Sa oras ating kalaro ay makaaway
Marahil laging sambit isusumbong kita saking tatay
Hindi alam sa anong paraan tayo matutulungan
Naniniwala siya'y haligi't kanlungan
Sa ating mga Ina tayo ay natatakot
Dahil sa tyinelas ikaw ay mapapakamot
Ngunit mas hindi gugustuhin ang sinturon
Amang papalo daig pa tayo ay pulboron
Sa bawat paglipas ng mga panahon
Gusto nyang iparating tayo ay maka-ahon
Dahil sa bawat hampas ay pagkatuto
Binhing itinanim hanggang dulo
Kaya sa ating mga butihing Ama,
SALUDO ang salitang tugma at tama
SALUDO, sapagkat pinilit mong may mahain sa hapag,
kahit nung umpisa kayo kumakain lang sa lapag.
SALUDO, marahil ikaw ang aming huling taga sandok,
dahil sa totoo handa kang tutong lang ang malunok.
SALUDO, sapagkat kahit ano pa man iyong natapos,
pinipilit mong hindi maramdaman na para bang kapos.
SALUDO, dahil ika'y hindi lamang basta aming tatay,
madalas parang inhinyero, g**o, o pulis na nakabantay.
SALUDO, dahil hindi man ikaw ay perpekto,
pero pinipilit mo tayo ay makumpleto.
SALUDO, sa lahat-lahat mong sakripisyo,
kahit misan kami'y nagkamali't nagkabisyo.
SALUDO, sa iyong tatag, pagmamahal at lakas,
sa ating pamilya kapit mo'y di gugustuhing kumalas
Aming pag SALUDO ay walang katapusan
Kahit ano pang pinto sa ami'y buksan
Pagtingala sa iyo ay magpapatuloy
Sapagkat pagmamahal mo ay dumadaloy
Muli kami po sa inyo ay SALUDO.
-Abegail Realeza