10/08/2025
Lunas sa Sintomas ng Menopause sa Babae
Karamihan sa senyales at sintomas ng menopause ay panadalian lamang. Heto ang mga payo namin:
1. Kumain ng sapat. Kailangang kumain ng kumpleto kabilang na ang mga prutas, gulay, at buong butil o whole grains at limitahan ang pagkain ng mga taba, mamantika at matatamis. Kabilang dito ang pag-take ng calcium at vitamin D galing sa pagkain o tableta kada araw.
2. Magkaroon ng maayos na tulog. Iwasan ang uminom ng kape sa gabi.
3. Mag-ehersisyo araw-araw. Maglaan ng 30 minuto na katamtaman bigat ng mga gawain lalo na sa umaga para makatulong laban sa pagtanda. Makatutulong din ito sa pagbawas ng timbang at stress.
4. Kung mayroong panunuyo sa pwerta o makaramdam ng sakit habang nagtatalik, gumamit ng over-the-counter na water-based lubricants (tulad ng KY Jelly). Makatutulong rin kung aktibo ka pa rin sa pagtatalik.
5. Hot flashes o mainit na pakiramdam. Subukan mag-ehersisyo. Alamin kung ano ang nagpa-trigger sa hot flashes, maaaring kabilang dito ang mainit na inumin, maanghang na pagkain, alak, mainit na panahon at lugar.
6. Kumain ng soya tulad ng soy milk at tokwa. Ang soya ay karaniwan pinagkukunan ng isoflavones, isang compound na maaaring makatulong sa hot flashes. Kung may kanser sa suso, kausapin ang iyong doktor bago kumain nito.
7. Mag-practice ng mag-relax. Ang mga technique gaya ng malalim na paghinga, guided imagery (pag-isip ng magagandang bagay at lugar), yoga, at meditation ay makatutulong sa iyo na makaya ang pabago-bagong mood, stress at pagtulog.
Stages ng menopause:
1. Peri-menopause. Magsisimulang maranasan ang sintomas ng menopause kahit na ikaw ay kasalukuyang pang nire-regla. Ang antas ng iyong hormone ay tumataas at bumababa ng hindi pantay, at makararanas ng hot flashes at iba pang sintomas. Ito ay tumatagal ng 4 hanggang 5 taon o higit pa. Sa panahong ito, maaari pa rin mabuntis ka.
2. Post-menopause. Kapag umabot na sa 12 buwan mula noong ikaw ay huling mag-regla, ibig sabihin nito ay menopause na. Sa panahon ng post-menopausal at sa mga susunod na panahon, ang iyong obaryo ay mahina na gumawa ng s*x hormones at hindi na magpapalabas ng itlog. Kaya hindi ka na mabubuntis.
Kailan Pupunta sa OB-Gyne doktor:
Ang pagdurugo pagkatapos mag-menopause ay hindi normal at dapat masuri agad ng iyong doktor. Ang dahilan ng pagdurugo ay maaaring hindi delikado, ngunit ang post-menopausal bleeding ay maaaring senyales ng kanser.