29/04/2021
Ano ba ang tinatawag na PRE-NATAL CHECK-UP?
Ito ang mga pagkonsulta na ginagawa ng isang buntis o nagdadalang tao para sa kabutihan ng kanyang pagbubuntis.
Ang pinakamahalang prenatal check-up ay ang pinakaunang check up. May mga kinauukulang mga tao na nararapat puntahan ng isang nagdadalang tao. Maaaring isang komadrona sa lying in clinic, doctor na espesyalista sa pagbubuntis o tinatawag na obstetrician na maaaring matagpuan sa mga pribadong klinika o ospital o maging sa mga pampublikong klinika o ospital.
Bakit mahalaga ang pinaka-unang check-up?
Mahalaga ito upang maipagawa ang importanteng interview upang malaman ang medical history ng nagdadalang tao. Kailangang malaman kung may mga sakit, mga gamot na nainom, pagkaka-expose sa X-ray o radiation, sa mga taong may sakit lalo na tigdas at bulutong lalo na sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis. Mahalaga din na magkaroon ng kumpletong physical examination ng buong katawan ng buntis upang malaman kung mga sakit na hindi alam ng nagdadalang tao. Maaari din magreseta ang iyong doctor ng mga bitamina na makabubuti sa iyong pagdadalang tao. Upang malaman ang eksatong edad o buwan ng pinagbubuntis ay maaari din magpagawa ng transvaginal ultrasound. Isa itong examination na hindi makakasama sa bata sa loob ng tiyan. Padadaanin sa bahina ang instrumento. Maaari ding gawin ang pap smear sa unang check-up.
Mahalaga din ang unang check-up upang ma triage ang pagbubuntis. Ang ibig sabihin nito ay malaman kung saan maaaring ipagpatuloy ng nagdadalang tao ang kanyang mga susunod na check-up at saan sya mabuting manganak.
Ang mga buntis na nasa edad sa pagitan ng 18 at 35 na mayroon nang unang anak na walang problema, hanggang pang-apat na pagbubuntis at walang mga sakit ay tinatawag na LOW RISK PREGNANCY ay maaaring ipagpatuloy ang kanilang check-up sa mga local health center at lying-in.
Ano ba ang aasahan ko sa mga prenatal check-up?
Babantayan sa bawat check-up ang mga sumusunod:
1. Pagkakaroon ng mga warning signs ng pagbubuntis, mga sintomas na magsasabi na maaaring may problema ang pagbubuntis. Ang pagdurugo, pagsakit ng ulo, sobrang pagsusuka, pag taas ng presyon, tubig na lumabas sa pwerta, pagsakit ng puson at mabagal na galaw ng bata ay mga hindi mabuting senyales at kailangang imbestigahan.
2. Pagkakaroon ng tamang pagtaas ng timbang
3. Pagtanggap ng mga bitamina tulad ng folic acid, ferrous sulfate, calcium at gatas
4. Pagtanggap ng mga vaccines tulad ng tetanus toxoid o TDap at iba pa tulad ng influenza vaccine
5. Paglaki ng puson (asahan na susukatin ang tiyan)
6. Pag monitor ng blood pressure, pulso at tibok ng puso ng bata
7. Pag request ng mga laboratoryong mag-eexamine sa dugo, ihi, imbestigasyon sa mga impeksyon gaya ng hepatitis B, syphillis at HIV screening tests, pap smear, at screening para sa diabetes mellitus
8. Pag request ng mga ultrasound examination upang malaman ang edad ng pagbubuntis, kung ang pagbubuntis ay sa loob ng matris, kung ilan ang pinagbubuntis, timbang ng sanggol sa loob ng tiyan, posisyon ng bata at posisyon ng inunan.
Source: Dr. Katleen del Prado - ObGyn
Para sa iba pang katanungan, mag-text o tumawag lamang sa 09225451151 o (044)7956061 upang kayo ay maing matulungan.