20/05/2024
Gallstones o Bato sa Apdo
Ang gallstones o mga bato sa apdo ay tumutukoy sa pamumuo o pagkukumpol ng mga sangkap sa loob ng apdo (gallbladder). Ang mga namuong sangkap na ito ay may hawig sa mga bato, kaya naman tinatawag itong “gallstones.”
Namumuo ang mga sangkap sa loob ng apdo kapag nagkaroon ng kakulangan sa balanse ng mga kemikal sa loob nito. Ang mga sintomas ng gallstones ay ang labis na pananakit sa apektadong bahagi, pagkahilo at pagsusuka, pagkakaroon ng lagnat, paglobo ng tiyan at impatso, maging ang paninilaw ng ilang mga bahagi ng katawan.
Ang pagkakaroon ng bato sa apdo o gallstones ang pinaka-karaniwang sanhi ng sakit sa apdo. Kapag ang mga bato sa apdo ay humalo sa likidong bile, ang likidong ito ay hindi makadadaloy papalabas ng apdo. Maaapektuhan din nito ang pagdaloy ng mga digestive enzyme mula sa pancreas.
Kapag nagpatuloy ang pagkakaroon ng bara sa apdo at sa pancreas, ang mga ito ay mamamaga. Ang pamamaga sa apdo ay tinatawag na cholecystitis. Ang pamamaga naman sa pancreas ay tinatawag na pancreatitis. Magdudulot din ito ng iba’t ibang mga komplikasyon at impeksyon.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung paano namumuo ang mga bato sa apdo. Ito ay maaaring nangyayari dahil sa mga sumusunod:
* Malabis na pagkakaroon ng kolesterol sa bile. Ang normal na bile ay may sapat na dami ng kemikal para lusawin ang kolesterol mula sa atay. Subalit, kapag nahigitan ng kolesterol ang mga kemikal ng bile, ang labis na kolesterol ay maaaring mamuo at maging bato.
* Malabis na pagkakaroon ng biliburin sa bile. Ang biliburin ay isang uri ng kemikal na nalilikha kapag nilulusaw ng katawan ang mga red blood cell sa pamamagitan ng atay. May mga kondisyon na kung minsan ay nagkakaroon ng sobrang dami ng biliburin sa atay. Ang mga labis na biliburin ay maaari ring mamuo sa apdo.
* Hindi maayos na pag-aalis ng mga likido sa apdo. Kapag may nalabing bile sa apdo, maaari ring mamuo ang mga ito at maging sanhi ng pagkakaroon ng bato sa apdo.
Mga Sintomas
Karaniwan ay walang sintomas ang gallstones. Nalalaman lamang na ang isang tao ay mayroon nito kapag kapansin-pansin na ang mga sintomas.
Pananakit ng tagiliran
Ang isa sa pinaka-pangunahing sintomas ng kondisyong ito ay ang pananakit sa itaas na bahagi ng kanang tagiliran. Ang pananakit na ito ay maaaring pawala-wala at maaaring maramdaman sa pagitan ng ilang araw, linggo, o kaya ay buwan.
Ang pananakit ay maaaring sumumpong pagkaraang kumain ng matataba na pagkain. Karaniwan itong sumusumpong sa gabi. Kapag nagkaroon ng pananakit, maaari itong tumagal nang may 30 minuto hanggang limang oras.